LRT1

Roosevelt station ng LRT-1 bubuksan muli

233 Views

MULING bubuksan ang commercial operation ng Roosevelt station ng Light Rail Transit 1 sa Lunes, Disyembre 5.

Ayon sa Light Rail Manila Corporation (LRMC), ang operator ng LRT-1, walang nakitang problema sa isinagawang trial run, station maintenance work, at operational exercise na isinagawa noong Disyembre 3 at 4 para sa muling pagsasama ng Roosevelt station sa ilalim ng makabagong Alstom signalling system.

Sa pagbubukas ng Roosevelt station ay 20 na muli ang operational na istasyon ng LRT-1 na tumatakbo hanggang sa Baclaran mula sa Balintawak.

“We are happy to announce that our team has completed all the necessary works to ensure that LRT-1 is safe to be operated with the reintegration of Roosevelt Station,” sabi ni LRMC Chief Operating Officer Rolando J. Paulino III.

Pansamantalang isinagawa ang Roosevelt station noong Setyembre 2020 upang bigyang daan ang pagtatayo ng Common Station o Unified Grand Central Station (UGCS) kung saan magtatagpo ang LRT-1, MRT-3 at MRT-7.

Simula sa Disyembre 5 ay magpapatupad din ng bagong train service schedule ang sistema.

Ang huling biyahe sa Baclaran station ay aalis ng alas-10 ng gabi samantalang ang manggagaling sa Roosevelt station ay 10:15 ng gabi.

Kapag weekend at holiday, ang huling biyahe ay 9:30 ng gabi galing ng Baclaran at 9:45 gabi mula sa Roosevelt station.

Mananatili naman sa 4:30 ng umaga ang unang biyahe ng mga tren sa magkabilang direksyon.