Quinto Rufa Mae Quinto kasama ang abogado sa NAIA

Rufa Mae may arrest warrant, sumuko sa NBI

Eugene Asis Jan 8, 2025
16 Views
Quinto1
Rufa Mae Quinto/Instagram

SUMUKO sa National Bureau of Investigation (NBI) ang actress-comedienne na si Rufa Mae Quinto matapos makatanggap ng isang arrest warrant mula sa isang korte sa Pasay kaugnay ng kasong kinahaharap nito.

Ayon sa report ng ‘Balitanghali’ ng GMA, dumating sa bansa ang aktres mula sa San Francisco, California, USA sakay ng Philippine Airlines kasama ang kanyang pamilya. Lumapag sila sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 bandang ika-5 ng umaga kahapon.

Ayon kay NAIA – NBI Chief Jimmy De Leon, nakipag-ugnayan ang abogado ni Rufa Mae sa NBI para sa kanyang kusang loob na pagsuko.

Sumailalim muna ng medico-legal examination si Rufa Mae bago dinala sa isang korte sa Pasay.

Nahaharap ang aktres sa kasong may kaugnayan sa isyu ng Dermacare, ang kompanyang sangkot din sa pagkakaaresto sa aktres at entrepreneur na si Neri Naig.

Bago rito, sinabi ng abogado ng aktres na si Atty. Mary Louise Reyes, na inaakusahan ito ng 14 counts of violation ng Section 8 ng Securities Regulation Code, na nagsasaad na ang mga securities tulad ng shares and investments ay hindi maaring ibenta sa Pilipinas na walang registration statement na naka-file at aprubado ng Securities and Exchange Commission (SEC),.

Niliwanag ng abugado na hindi naman nahaharap ang aktres sa isang malawakang kaso ng estafa.

“She will face those charges… mag-voluntary surrender siya and magpo-post po kami ng bail for that. She’s worried kasi hindi naman totoo ‘yung allegations kasi my client po is just a brand ambassador, a model-endorser,” saad ni Reyes.

“Ni hindi sa kanya nakapagbayad ng downpayment (ang kompanya), tapos ‘yung mga tseke po puro tumalbog. Lahat po ‘yan hawak naman po namin ‘yung ebidensya, ipe-present namin sa court,” dagdag pa ng abogado.

Noong September 2023, nagpalabas ang SEC ng isang advisory tungkol sa Dermacare-Beyond Skin Care Solutions, na nagsasabing ang naturang kompanya ay hindi otorisado na mangalap ng investments dahil hindi ito rehistrado at walang lisensya upang magbenta ng securities.