Calendar
Salamat sa mga alaala, Ka Lando at Doc Jenny
SA madami sa atin, may iba’t ibang mga kadahilanan sa pag-gunita sa September 11, masaya man or malungkot.
Sa sports, ang September 11, 2022 ay maaalala sa pagpanaw ng dalawa sa mga pinakamamahal at pinakare-respetong personalidad: cockfighting legend Rolando Luzong at executive chess champion Dr. Jenny Mayor.
Ang dalawa ay halos magkasunod na binawian nang buhay may dalawang taon na ngayon ang nakalilipas.
Hindi maikakaila ang pangalan ni Luzong, na mas lalong kilala sa tawag na Ka Lando, sa cockfighting industry.
Bukod sa kanyang walang pagod na pagsusumikap upang mapa-unland ang cockfighting industry, pati na ang lahat na kabahagi nito, si Ka Lando ay kilala din sa kanyang madaming promotions simula pa nung kanyang Roligon Mega Cockpit days sa Parañaque.
Hindi din kaila sa madami na isinulong din ni Ka Lando ang madaming medical at relief missions sa mga nangangailangan hindi lang sa kanyang lugar sa Marikina kundi pati na din sa madaming siyudad at probinsya.
Sa madami sa cockfighting industry, tunay na maihahanay si Ka Lando sa mga ipinagmamalaking haligi na nagpapatibay ng cockfighting industry.
Para kay dating Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham “Baham” Mitra, hindi na malilimutan ang mga kontribusyon ni Ka Lando sa ikauunlad ng cockfighting at hindi kailanman mapupunan ninuman ang kanyang pagkawala.
Isang tunay at maaasahan na kaibigan ang laging pahayag ni Mitra patungkol kay Luzong.
Tulad ni Ka Lando, si Doc Jenny ay gumawa din ng malaking pangalan sa chess circle hindi lamang dahil sa kanyang husay sa paglalaro, kundi sa kanyang bukal sa loob na pag-tulong sa madaming mga nangangailangan.
Hindi lamang iilan ang handang magpatunay sa mga nagawa ni Doc Jenny para sa ikauunlad ng chess kahit pa hindi siya ganap na opisyal ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP).
Gayunman, sa Philippine Executive Chess Association (PECA), na kung saan matagal ding panahon niyang pinangunahan, kasama sina Dr. Fred Paez at iba pa, hindi na din mabilang ang kanyang natulungan hindi lamang sa chess kundi pati sa kanyang pagiging mahusay na dentista sa Quiapo, Manila.
Hindi din matatawaran ang galing ni Doc Jenny sa paglalaro ng chess, na kung saan pitong ulit siyang nag national executive champion laban sa mga pinaka-magagaling na chess-playing executives, kabilang na ang pumanaw na ding NCFP official na si Willie Abalos.
Hindi din nagpahuli si Doc Jenny bilang miyembro ng Manila Indios Bravos sa Professional Chess Association of the Philippines (PCAP), na itinataguyod nina President-Commissioner Paul Elauria at Chairman Michael Angelo Chua.
Gaya ni Ka Lando, ikinalungkot ng madami ang maagang pagpanaw ni Doc Jenny nung September, 2022, siyam na araw bago ang kanyang ika-63rd birthday.
At bagamat lumisan na sina Ka Lando at Doc Jenny, ang cockfighting at chess world na minsan silang naging malaking bahagi ay patuloy na lilingon sa nakaraan upang mag- bigay pugay.
Sabi nga, “Old soldiers never die; they just fade away.”
Salamat sa magandang mga alaala, Ka Lando at Doc Jenny.
NOTES — Happy 109th birthday in heaven sa aking pinakamamahal na Lola Trining Susano, nitong nakalipas na Friday, September 13.
Para sa mga kumento at suhestiyon, mag email sa [email protected]