Hotel

Salisi Gang sa Taguig, Makati hotel arestado

Edd Reyes Nov 1, 2024
48 Views

LAGLAG sa kamay ng mga pulis ang umano’y tirador sa mga hotel sa Taguig at Makati nang maispatan sa CCTV na may binabalak na naman pasukin na hotel sa Makati City noong Martes.

Sa ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Bernard Yang, unang tinira ni Michael Simbulan, 53, ang mga gadgets at salapi na iniwan sa function room ng malaking hotel sa Bonifacio Global City noong Oktubre 23.

Sumunod na sinalisihan ng suspek ang mga gamit ng apat na kawani ng gobyerno sa isang five-star hotel sa Makati City kaya’t inalerto na ng SPD ang mga security personnel ng malalaking hotel sa kanilang mga nasasakupang lungsod.

Noong Martes ng alas-11:30 ng tanghali, naaresto ng mga tauhan ng Ayala Police Sub-Station ang suspek nang itawag ng security personnel ng isang hotel sa Ayala Center ang muling paniniktik na nahagip sa kuha ng CCTV.

Sa lobby ng naturang hotel dinakip ang suspek at nang kapkapan, nakuha sa kanya ang kalibre .38 revolver at limang bala.