Ortega

Salu-salo sa Palasyo, walang kinalaman sa impeachment complaint vs VP Sara

126 Views

PINABULAANAN ng isa sa mga lider ng Kamara de Representantes ang espekulasyon na may kinalaman sa mga impeachment complaint na inihain laban kay Vice President Sara Duterte ang ginanap na hapunan sa Malacañang kung saan nagsama si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr. at ang mahigit 200 kongresista.

Ayon kay House Deputy Majority Leader at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V matagal nang naplano ang naturang salu-salo na layong palakasin ang pagkakaisa at pagpapakita ng suporta para sa administrasyon ni Pangulong Marcos.

“Wala pong kahit anumang katotohanan ang mga lumabas o na-speculate o iniisip ng ibang tao. [‘Yun po ay] sobrang simple na salo-salo lang at ang highlight ay nung prinesinta ang resolution of support ng House,” sabi ni Ortega sa isang pulong balitaan.

“Karamihan nga po ng nabasa ko sa Twitter, kabaliktaran po ng totoong nangyari,” dagdag niya.

Sabi pa ni Ortega, halos dalawang taon nang ikinakasa ang pagtitipon ngunit laging hindi natutuloy dahil sa problema sa schedule.

“Noong kakaupo po ng ating Pangulo, noong first six months niya actually, he met with the Solid North congressmen. Last year, ang alam ko, we tried to schedule a meeting with the President na parang salo-salo, not necessarily a Christmas dinner lang, pero hindi po natuloy.

Siyempre napaka-hectic ng schedule,” paliwanag ni Ortega .

Ginanap ang salu-salo nitong Disyembre 4 na nagsimula alas-sais ng gabi. Dumating si Pangulong Marcos bandang 6:30 ng gabi.

Nagkaroon aniya ng pambungan na mensahe si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at saka iprinisenta ang resolusyon na naghahayag ng suporta ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na inaprubahan ng Kamara.

“The President was very touched at dala malaking bagay sa kanya na may suporta po sa kanya ang House of Representatives,” ani Ortega na ibinahagi rin na tumagal lang ng halos isang oras ang hapunan at kuwentuhan.

Ang resolution of support ng Kamara ay simbolo ng kanilang pakikiisa sa Pangulo lalo na sa gitna ng mga pagbabanta ang hamon.

Hindi na aniya bago ang ganitong mga resolusyon sa lokal na lebel kaya’t mas signipikante aniya na pinagtibay ito para sa Pangulo.

“Sa local government nga po ‘pag may resolution of congratulations dinadala pa namin sa pinagbibigyan namin. E ano pa po kung Pangulo ang binigyan ng resolution of support? Siyempre may weight din po ‘yun,” punto niya

Matatandaan na sinabi ni Vice President Duterte na mayroon itong kinausap na indibidwal para patayin sina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Romualdez kung siya man ay mamamatay.

Dahil naman dito ay pinaigting ang security protocol para sa Pangulo at mas naging mapanuri naman ang publiko sa kaniyang mga galaw at motibo.

Binigyang diin ni Ortega na walang halong politika ang naturang hapunan at walang pag-uusap tungkol sa mga impeachment complaint na inihain laban kay Duterte.

“Hindi nga po napag-usapan ‘yung pulitika. More on ang nasabi ng ating Pangulo, kung ano ang mga trabaho na ginagawa ng legislative at ng executive, magtrabaho lang tayo,” he said.

Nang matanong naman inulit muli ng Pangulong Marcos ang naunang apela sa mga mambabatas na huwag suportahan ang naturang mga reklamo, tumugon si Ortega, “Wala po.”

Nahaharap si Vice President Duterte sa dalawang impeachment complaint dahil sa akusasyon ng pangwawaldas ng ₱612.5 million na confidential funds at ang pagbabanta sa Presidente at iba pang opisyal.