Calendar
Samantalahin ang Condonation 7–NHA
PINAPAALALAHANAN ang mga benepisyaryo ng National Housing Authority (NHA) na samantalahin ang ‘Condonation 7’ program hanggang Disyembre 31, 2025.
Binansagang “pinakamalaking condonation program sa kasaysayan ng NHA,” ang Condonation 7, na inisyatiba ni NHA General Manager Joeben Tai, inaalis ng programa ang aabot sa 100% ng mga multa at delinquency interes at 95% ng hindi pa nababayarang interes sa amortisasyon para sa libu-libong delinquent accounts ng ahensya.
Nakatakdang magtapos noong Oktubre 31, pinalawig ito para mapaunlakan ang mas maraming benepisyaryong pamilya ng ahensya na naapektuhan ng mga nakaraang kalamidad na tumama sa bansa.
“Nauunawaan namin ang kalagayang pinansyal ng bawat benepisyaryo ng ating mga pabahay, lalo’t higit po yung mga naapektuhan ng magkakasunod na kalamidad, kung kaya’t hinihikayat po namin ang hindi pa nakaka-avail na mga housing beneficiaries na pumunta po sa pinakamalapit na tanggapan ng NHA sa kanilang lugar para sa asikasuhin ang kanilang aplikasyon para sa Condonation 7,” sabi ni GM Tai.
Ang nasabing programa ay magbibigay din ng mga insentibo, kabilang ang mga diskwento at iba pang mga benepisyo, sa mga benepisyaryo na may updated na accounts ng buwanang pagbabayad ng amortization.
Bilang pagpapakita ng pangako nito alinsunod sa bisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., ipinatupad ng NHA ang programang ito upang suportahan ang mga benepisyaryo ng pabahay na may mababang-kita.

