PNP Ang Command Center ng PNP na binisita ni Laguna Gov. Sol Aragones kasabay ng isinagawang Christmas lighting.

Monitoring system pinalakas ng PNP para tiyakin mabilis na responde

Steve A. Gosuico Dec 3, 2025
239 Views

PINALAKAS ng Laguna PNP ang kanilang monitoring system upang tiyakin ang mabilis na responde sa mga hindi inaasahang pangyayari sa probinsiya .

Ito ang binisita ni Laguna Gov. Sol Aragones sa Kamp Heneral Paciano Rizal kasabay sa Christmas lighting sa kampo.

Namangha ang gobernador sa pasilidad na may 92 na strategically positioned cameras na nagmo-monitor ng mga pangunahing lugar sa buong probinsya.

“Kapag nagkaroon ng aksidente kahit saan dyan, kita. Kita agad makaka-rescue ang mga pulis,” sabi niya. “Yun ang gusto ko, mabilis agad. Masosolusyunan agad.” Dagdag pa niya, nagbibigay ng kapanatagan ang mga camera na ito sa mga Lagunense.

Ipinaliwanag ni PCol Jonar Yupio ang operasyon ng command center, “Mam, meron po tayo ng sectoring. Dapat po andon sa strategic point. Pag tinawag po sa radyo, within 5 minutes makaka-responde agad.” Binigyang diin niya na ang maayos na pagkakalagay ng mga tauhan at camera ay nakatitiyak ng mabilis na aksyon sa oras ng pangangailangan.

Ipinahayag ni Governor Sol ang kanyang paghanga sa inisyatiba. “Full support ang GOByernong may SOLusyon,” sabi niya. Ayon sa kanya, ang ganitong suporta ay patunay ng dedikasyon ng pamahalaang panlalawigan sa mabilis at epektibong pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan.

Pagkatapos ng pagbisita sa command center, sumama si Governor Sol sa Christmas lighting sa compound at inanunsyo ang mga nanalo sa Laguna PNP Lantern Making Contest.

Bago opisyal na nagsimula ang programa, nagbigay ng welcoming remarks si PLTCol. Franco Alex Reglos, kung saan mainit niyang binati ang mga dumalo at kinilala ang presensya ng lahat ng pulis, lokal na opisyal, at mga espesyal na panauhin. Nagpasalamat siya sa pakikilahok ng lahat at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan para mapanatiling ligtas ang Laguna.

Naghatid ito ng kasiyahan at nagpatibay ng samahan sa pagitan ng mga pulis at ng mga dumalo sa programa.

“Salamat dahil nagbibigay ng puso sa pagtupad ng tungkulin sa Laguna. Pangarap natin ang ganyang klase ng command center na nakikita sa bawat sulok, kalsada, dadaanan lahat ng krimen at aksidente,” ani Gobernador Sol Aragones. Pinuri rin niya ang bawat pulis, mula sa hepe hanggang sa pinakamababang ranggo. Dagdag pa niya, ang sama-samang pagtutulungan ng mga pulis ay nagiging modelo ng kaligtasan at tiwala sa Laguna.

Ipinakita ng pagbisita ang hangarin ng probinsya na pagsamahin ang makabagong teknolohiya at pakikipag-ugnayan sa komunidad. Sa pagpapakita ng kakayahan ng command center kasabay ng festive na Christmas lighting, pinatunayan ng Laguna PNP na maaring magsabay ang kaligtasan at kasiyahan ng holiday season para sa mga Lagunense.