Calendar
LGU, water districts kumilos vs krisis sa tubig
IGINIIT ni Senador Raffy T. Tulfo na hindi pa rin nareresolba ang krisis sa tubig sa kabila ng bilyon-bilyong pisong ipinangakong pondo ng PrimeWater Infrastructure Corp. sa ilalim ng mga Joint Venture Agreement (JVA) nito sa mahigit 100 lokal na water district sa bansa.
Sa kanyang pahayag sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Tulfo na patuloy ang pagdami ng reklamo matapos ang unang hearing. “Lalo pang dumami ang natanggap naming reklamo… may mga termination na ng JVAs, pero para sa maraming lugar, hindi pa rin nagbabago ang sitwasyon sa tubig,” aniya.
Binanggit ng senador na nagkaroon ng pag-asa sa ilang lugar gaya ng Sta. Cruz, Laguna; San Fernando, Pampanga; at Dasmariñas, Cavite, matapos suspendihin ng mga lokal na pamahalaan ang business permit ng PrimeWater upang makabalik sa operasyon ang kani-kanilang water district. “Paano nangyari iyon? Political Will,” ani Tulfo, na pinuri ang tapang ng mga alkalde sa paggamit ng kapangyarihang ibinigay sa kanila ng Local Government Code.
Ayon kay Tulfo, malinaw na pinapayagan ng General Welfare Clause ang mga LGU na i-regulate o ipasara ang negosyo kung ito ay nakasasama sa kapakanan ng mamamayan. Sa isinagawang inspeksiyon ng kanyang Senate Team sa Sta. Cruz, nakita umano ang malinaw na pagbuti ng kalidad ng tubig isang buwan matapos makuha ng water district ang operasyon.
Binigyang-diin din ng senador ang isyu ng mga laboratoryong Cosmolab at Scientia Tech na parehong pinatawan ng Cease and Desist Order ng Department of Health dahil sa umano’y maling water test results. “Kung ‘typo’ lang daw ang mga ito, the DOH must still answer: How reliable are these laboratory results that certify PrimeWater’s compliance?” ani Tulfo.
Sa San Fernando, Pampanga, ipinasuspinde ni Mayor Vilma Caluag ang permit ng PrimeWater noong Nobyembre 17 matapos halos dalawang taon ng umano’y “puro pangako.” Sa Dasmariñas, Cavite, nagbalik naman sa kontrol ng lokal na water district ang operasyon matapos ang parehong hakbang ng LGU.
Sa isinagawang survey ng tanggapan ni Tulfo, lumitaw na sa 70 water district na may kasunduan sa PrimeWater, 61 ang hindi nasisiyahan sa serbisyo nito. Sa bilang na iyon, 52 water district ang nagsimula o naghahanda nang mag-pre-terminate ng kanilang JVA. Gayunman, tanging 21 lamang ang may sapat na pondo at kakayahan para muling tumakbo nang mag-isa.
Ipinunto ni Tulfo na ang ugat ng problema ay ang kabiguan ng PrimeWater na tuparin ang mga pangako nito. “Bilyon ang ipinangako, pero sa maraming lugar, patak-patak pa rin ang tubig,” giit ng senador.
Pinuri rin niya ang mga lokal na opisyal na agad kumilos para sa kapakanan ng mamamayan. “Ang tubig ay karapatan ng tao, hindi pribilehiyo,” diin ni Tulfo, sabay panawagan sa mga ahensya ng pamahalaan na tiyaking maayos ang daloy ng tubig bago mag-Pasko.

