Contempt Ang dating Chief for Assessment ng Bureau of Customs (BOC) Port of Subic na si Juan Jose San Andres ay ipina-contempt ni Sen Erwin Tulfu sa pagdining ng Senate Agriculture and Food Crisis Committee nitong Miyerkules, Disyembre 3, 2025. Kuha ni JOSEPH MUEGO

Senado ipinacontempt dating BOC-Subic opisyal dahil sa mga di tugmang pahayag

179 Views

IPINACONTEMPT ng Senado ang dating Chief for Assessment ng Bureau of Customs (BOC) Port of Subic na si Juan Jose San Andres matapos madiskubre ang umano’y salungat at hindi tugmang pahayag nito sa imbestigasyon ng agricultural smuggling.

Inihain ang mosyon ni Senador Erwin Tulfo na nagsabing nagbibigay si San Andres ng “magkakasalungat at umiilag na sagot” tungkol sa mga container van na idineklara bilang non-agricultural cargo ngunit kalauna’y nadiskubreng may lamang smuggled na sibuyas at frozen goods. Agad itong inaprubahan ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan, ang chairman ng komite.

“Mr. Chairman, I move that we cite Mr. San Andres in contempt,” ayon kay Tulfo, na nagsabing ang mga hindi tugmang pahayag ay “nakahahadlang sa pagsisikap ng Senado na makakuha ng katotohanan.”

Ayon sa mga senador, hindi tugma sa mga naunang dokumento at rekord ang mga pahayag ni San Andres. Mananatili siya sa kustodiya ng Senado hanggang sa makapagsumite ng malinaw na paliwanag o karagdagang dokumento na susuporta sa kanyang mga naunang sinabi.

Bahagi ang pagdinig ng tuloy-tuloy na pagsisiyasat ng Senado kung paano nakalulusot sa mga pantalan ang mga misdeclared agricultural shipment na nagdudulot ng mataas na presyo ng pagkain, pagkalugi ng mga magsasaka, at posibleng sabwatan sa loob ng Customs.