Calendar

‘Sana all’ sumunod sa Meta sa pagsuporta sa Kamara vs fake news
IKINATUWA ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union ang pagpapahayag ng suporta ng Meta—ang may-ari ng Facebook, Instagram at WhatsApp—sa plano ng Kongreso na bumuo ng ahensya na lalaban sa pagkalat ng fake news.
Ayon kay Ortega ang pagsang-ayon ng Meta ay nagpapalakas sa panawagan na magkaroon ng reporma upang maprotektahan ang katotohanan, tiwala ng publiko, kaligtasan online at kalayaan sa pagpapahayag ng mga Pilipino.
Ang pagsuporta ng Meta sa pagbalangkas ng polisiya laban sa fake news ay ginawa sa pagdinig ng House tri-committee noong Martes.
Para kay Ortega, ang commitment ng Meta ay isang malinaw na tanda ng pagbabahagi ng responsibilidad.
“Iyan ang klase ng tugon na hindi lang symbolic—mahalaga ito. Kasi malinaw: kung walang tulungan sa pagitan ng gobyerno at platforms, lalamunin tayo ng disinformation,” ayon kay Ortega.
Umaasa si Ortega na ang suporta ng Meta sa inisyatiba ng Kamara ay maghihikayat sa ibang platforms na sumunod at makipagtulungan.
“Kung ang Meta ay handang makipagtulungan, dapat masundan ito ng iba. Hindi natin ito malalabanan nang kanya-kanya. Dito nasusubok kung sino talaga ang kakampi ng katotohanan at bilang mga mambabatas, responsibilidad naming itaguyod ang totoo—lalo na sa panahong nilalason ito,” wika ni Ortega.
Binigyang-diin ng pinuno ng Kamara na ang disinformation ay hindi lamang technological issue kundi isang banta sa demokrasya.
“Kapag hindi na alam ng mga tao kung ano ang totoo, doon nagsisimulang gumuho ang tiwala sa pamahalaan, sa batas at sa isa’t isa. Ang laban sa fake news ay hindi lang laban sa kasinungalingan. Laban ito para protektahan ang katotohanan at ang tiwala ng mamamayan,” pahayag ni Ortega.
Ayon kay Dr. Rafael Frankel, director ng Public Policy para sa Southeast Asia ng Meta, ikinagagalak nilang makipagtulungan sa Kongreso sa mga inisyatibang magpapalakas ng proteksyon para sa mga “user,” habang iginagalang ang kalayaan sa pagpapahayag.
Dagdag pa niya, nakipagtulungan ang Meta sa mga pamahalaan sa buong Southeast Asia at Asia-Pacific upang bumuo ng mga lokal na regulasyon na nagbabalanse ng kaligtasan at kalayaan sa pagpapahayag.
Sinabi ni Antipolo City Rep. Romeo Acop na dapat may pananagutan ang Meta at iba pang social media platforms sa pagkalat ng fake news at mapanganib na mga post.
“The posting of false information and misleading news, the content that harms not only the subjects of the questionable post but also the public trust in state institutions, should not be tolerated, would you agree with that?” tanong ni Acop.
“Could I say that you recognize that Meta bears some responsibility for what is shared and posted in Facebook or Instagram?” dagdag pa niyang tanong. “Yes or no? It is a very simple question.”
Sa pagdinig, sinabi ng batikang broadcaster at dating Vice President Noli De Castro na dapat panagutin ang Meta sa pagkalat ng fake news, dahil ito ay may “malaking responsibilidad” bilang pangunahing platform na nagpapalaganap ng disinformation.
“Naniniwala ho ako na ang Meta ay malaki ang responsibilidad dahil sila ang [may] means para maipakalat ‘yun eh, wala namang iba. Kung Facebook halimbawa, Facebook lang ang magpapakalat niyan. Wala nang iba. Facebook to Facebook. ‘Yung mga may Facebook,” ayon kay De Castro.
Ikinuwento ng dating bise presidente na madalas siyang maging target ng fake news, kabilang na ang mga pekeng quote cards at isang hoax noong 2021 na nag-ulat ng kanyang kamatayan.
Idinagdag ni Ortega na ang layunin ng Kongreso ay hindi ang kontrolin ang talakayang politikal, kundi protektahan ang publiko laban sa mga mapanlinlang na impormasyon.
“Hindi ito laban sa freedom of expression. Ang gusto lang natin: kapag may sinadyang kasinungalingan na ginagamit para sirain ang bayan o ang institusyon, may paraan tayo para harapin ito nang mabilis at malinaw,” sabi pa nito.
Binigyang-diin ng mambabatas ang kahalagahan ng pagkakaroon ng moderation systems at ng civic education.
“Hindi lang ito trabaho ng tech platforms. Kailangan nating turuan ang bawat Pilipino kung paano maging mapanuri, paano sumala ng impormasyon at paano maging responsable sa pagbabahagi ng content,” ani Ortega.
Hinimok din niya ang agarang aksyon sa pagbuo ng mga institutional solutions sa problema.
“Matagal na tayong nilalason ng fake news. At ngayon, may pagkakataon tayong gumawa ng konkretong hakbang. Hindi pwedeng patagalin pa. Ang daming nasisira habang naghihintay tayo,” giit ni Ortega.