Sanggol ibinigay sa tiya, ama naghabol, midwife kulong

Steve A. Gosuico Nov 5, 2024
54 Views

GAPAN CITY–Nasakote ang isang midwife noong Lunes dahil sa pagbibigay ng anak na sanggol sa babae na hindi naman niya iniluwal.

Sinabi ni police investigator Corporal Richard Reyes na nag-ugat ang kaso matapos tulungang manganak ng suspek na si alyas Marya, 50, ang isang ina pero namatay matapos iluwal ang bata.

Pagkatapos nito, ibinigay ng suspek ang bagong silang na sanggol sa kapatid ng namatay na ina at ibinigay din ang bagong birth certificate ng sanggol na pirmado niya.

“Ang naghabol po dito at nagdemanda ay ‘yong ama ng bata dahil bakit daw binigay yung sanggol sa kapatid ng nanganak na hindi sa kanya,” sabi ni Reyes.

Ang simulation of birth sa ilalim ng Article 347 ng RPC tumutukoy sa pakikialam sa civil registry record para lumabas sa talaan ng kapanganakan na ang isang bata isinilang sa isang taong hindi biological na ina ng naturang bata na nagiging sanhi ng pagkawala ng tunay na pagkakakilanlan at katayuan ng naturang bata.

Nakakulong na ngayon ang suspek para sa kaukulang disposisyon.

Nasakote ng warrant operatives ang suspek sa isinagawang police operation sa Brgy. Bayanihan dakong ala-1:10 ng tanghali.