Calendar
Source: File PIA photo
Sanggol, kahit mga nasa tiyan pa binebenta online
“BABIES for sale online?”
Ito nadiskubre kamakailan ni Sen. Pia S. Cayetano kaya hiniling niya sa Senado na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay ng lumalaganap na kaso ng online na pagbebenta ng mga sanggol.
Ang panawagan niya kasunod ng babala mula sa Commission on Human Rights (CHR) at Philippine National Police (PNP) tungkol sa mga sindikatong gumagamit ng social media upang iligal na ipagbili ang mga bata.
“Babies are not commodities,” pahayag ni Cayetano.
Binigyang-diin niyang ang naturang gawain ay isang “gross violation of [children’s] rights and a crime under our laws.”
Binigyang-linaw ni Cayetano na mahalagang ipatupad nang buo ang dalawang umiiral na batas: ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act, na nagsasaad na ang bentahan ng sanggol at pag-aampon kapalit ng pera ay itinuturing na human trafficking; at ang Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act, na naglalayong gawing mas simple at abot-kaya ang legal na proseso ng pag-aampon.
Si Cayetano ang isa sa mga may-akda at tagapagtaguyod ng mga batas na ito.
Binanggit din niya ang mga ulat na maging ang mga hindi pa ipinapanganak na sanggol ay iniaalok na online.
Bukod dito, muling kinatigan ni Cayetano ang National Authority for Child Care (NACC) at hinikayat ang pamahalaan na dagdagan ang pondo nito upang mapalakas ang kampanya para sa tamang impormasyon at suporta sa mga kawani ng ahensya.
“Our children deserve to grow up in safe, loving homes, and not be traded in online marketplaces,” aniya.

