Rep. Valeriano

Total ban vs online gambling isinusulong

Mar Rodriguez Jul 18, 2025
166 Views

BUNSOD ng lumalalang kaso ng pagkalulong sa online gambling, nagpahayag ng pagkabahala si Manila 2nd Dist. Representative Rolando “CRV” M. Valeriano sa panibagong kaso ng mga estudanyante na nagka-cutting classes at nasasangkot sa nakawan dahil sa kanilang sobrang pagka-adik sa pagsusugal.

Dahil dito, binigyang diin ng Manila congressman na hindi na bastante ang pag-regulate lamang sa online gambling kundi ang pagpapatupad ng “total ban” gaya ng ginawa sa dating operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).

Ikinatuwiran ni Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na kung tutuusin ay mas matindi ang perwisyo at epektong idinudulot ng online gambling kumpara sa POGO dahil winawasak ng online gambling ang kinabukasan ng mga estudyante at menor-de-edad na nalululong dito.

Sinabi ni Valeriano na hindi lamang ang mga kabataang estudyante ang sinisira ng online gambling kundi pati na rin ang mga mahihirap na mamamayan na naghihikahos na nga ay nauubos pa ang kanilang kakarampot na kita sa kasusugal.

Idinagdag pa ng beteranong mambabatas na hindi nila hahayaan na maging “virtual casino” ang bawat tahanan o sasakyan sapagkat kahit sa loob lamang ng bahay o nasa sasakyan ay madali aniyang naa-access ang online gambling apps sa cellphone.

“Ayaw nating maging virtual casino ang bawat tahanan o sasakyan na may cellphone. Sa paglaganap ng online gambling apps. Labag ito sa interes ng mamamayang Pilipino,” sabi ni Valeriano.

Muling iginiit ni Valeriano ang ilang malinaw na peligrong idinudulot ng online gambling sa pagkatao ng ilang naa-adik dito kabilang na ang isang driver ng bus ng nahuling nag-o-online gaming habang nagmamaneho at mga estudyanteng nagka-cutting clasesses.