Calendar
Source: Screen grab from Go Las Pinas FB post
Sanggol tinangay ng baha sa Las Pinas, patay
NALUNOD ang isang taon at dalawang buwang sanggol na babae nang tangayin ng malakas na agos ng tubig-baha habang inililikas ng kanyang ama sa kanilang tirahan sa kasagasagan ng malakas na buhos ng ulan Martes ng gabi sa Las Pinas City.
Sa nakarating na ulat kay Southern Police District (SPD) Acting Director P/BGen. Randy Arceo, kinarga ni alyas “Mark”, 33, ang kanyang sanggol upang ilikas sa kanilang bahay sa Lower Laong Compound, Brgy. Almanza Uno dakong alas-7:06 dahil tinatangay na ng malakas ng agos ng tubig ang kanilang tirahan bunga ng napakalakas na buhos ng ulan.
Habang lumilikas, bigla silang sinalpok ng malakas na agos ng tubig-baha na dahilan upang mabitiwan ni Mark ang sanggol at mabilis na tangayin. Tinangka pang sagipin ng ama ang kanyang anak subalit maging siya ay tinatangay na rin ng agos kaya’t hindi na niya inabutan ang anak.
Dakong alas-11:34 ng gabi, habang naglilinis ng kanilang bahay na pinasok na baha si alyas Louie sa Admiral Village, Talon Tres, napansin niya ang lumulutang na sanggol sa sapa kaya’t humingi siya ng tulong sa barangay upang sagipin ang bata.
Isinugod nila sa Pope John Paul Hospital ang sanggol subalit idineklara ng patay ng attending physician.
Bukod sa mag-ama, 22-pamilya rin sa Barangay Talon Tres at Almanza Uno ang lumikas sa kanilang tirahan dahil sa mataas na pagbaha.
Binigyan kaagad sila ng mga panunahing pangangailanan ng tanggapan ni Mayor April Aguilar sa kanilang pansamantalang tinutuluyan sa Carmencita Covered Court.

