Tingog1

Romualdez, Tingog nagbigay ng P6M cash aid, pagkain sa mga nasunugan sa Mandaluyong

387 Views

Tingog2AGAD na naglunsad ng malawakang relief operations si Leyte 1st District Representative Ferdinand Martin G. Romualdez at ang Tingog Party-list nitong Miyerkules para sa halos 600 pamilyang naapektuhan ng sunog sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong noong Hulyo 5.

Sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng tanggapan ni Mandaluyong Lone District Representative Alexandria “Queenie” Pahati Gonzales, layunin ng aksyon na maghatid ng agarang tulong at patuloy na suporta sa mga apektadong residente.

“Ang ganitong mga trahedya ay pagsubok sa ating katatagan, pero panahon din ito ng pagkakaisa. Ang ating tanggapan, kasama ang Tingog at mga kasamahan sa Kongreso, ay handang tumugon saan man at kailanman,” pahayag ni Speaker Romualdez ng ika-19 na Kongreso.

Nagsimula ang relief operations noong Hulyo 6 kung saan namahagi ng mainit na pagkain sa humigit-kumulang 1,000 katao.

Noong Miyerkules naman, halos 600 relief packs na may lamang bigas, de-lata, noodles, at kape ang ipinamahagi sa parking area ng Mandaluyong College of Science and Technology.

Nagpasalamat si Rep. Gonzales kina Speaker Romualdez, Tingog Party-list, at sa administrasyong Marcos sa pamamagitan ng DSWD para sa agarang tugon.

“Lubos po akong nagpapasalamat kina Speaker Martin Romualdez, Tingog Party-list, at DSWD sa mabilis nilang pagtugon at patuloy na suporta. Ang kanilang agarang tulong ay patunay ng ating pagkakaisa sa tunay na serbisyo publiko,” ani Gonzales.

Magsisimula sa Hulyo 14 ang pamamahagi ng P10,000 financial assistance kada pamilya sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng DSWD. Kabuuang P6 milyon ang inilaan para sa inisyatibong ito upang makatulong sa muling pagbangon ng mga pamilya.

“Panahon na ito ng pagkilos, hindi lamang ng pag-unawa. Sisiguraduhin natin na ang tulong mula sa gobyerno ay makarating sa mga nangangailangan nang mabilis at epektibo,” ani Rep. Romualdez.

“Para sa bawat pamilyang naapektuhan ng sunog, nais naming malaman ninyo na hindi kayo nag-iisa. Kasama ninyo kami sa bawat hakbang ng inyong pagbangon,” dagdag pa niya.

Pinuri rin ni Rep. Romualdez ang aktibong pakikipagtulungan ni Rep. Queenie Gonzales, asawa ng dating House Majority Leader Neptali “Boyet” Gonzales II, sa lokal na pamahalaan.

“Saludo ako kay Rep. Queenie Gonzales sa kanyang malasakit at mabilis na koordinasyon para sa kanyang mga kababayan. Ganito ang tunay na serbisyo publiko—nagkakaisa, nakatuon, at para sa tao,” ani Romualdez.

Ayon sa Tingog Party-list na kinakatawan nina Reps. Andrew Julian K. Romualdez at Jude A. Acidre, bahagi ito ng kanilang patuloy na adbokasiya na mailapit ang mga programa ng administrasyong Marcos sa mga komunidad sa gitna ng krisis.

“Ang tunay na serbisyo publiko ay ang pagiging presenteng tumutugon, lalo na sa panahong pinaka-kailangan tayo ng ating mga kababayan. Magpapatuloy kami sa pakikipagtulungan upang walang maiwan,” pahayag ng Tingog Party-list.