Dizon

Sec. Dizon sinibak 5 LTO enforcers sa Bohol

Jun I Legaspi Mar 3, 2025
13 Views

INIUTOS ni Transportation Secretary Vince Dizon ang pagsibak sa 5 tauhan ng Land Transportation Office (LTO) na sangkot sa hindi makataong pagtrato sa rider sa Panglao, Bohol noong Biyernes.

“Simula ngayong araw, tinatanggal na natin sa serbisyo ang mga enforcer na sangkot sa insidente sa Panglao, Bohol,” sabi ni Sec. Dizon sa press conference.

“Hindi na natin kailangang patagalin pa ito,” dagdag niya. Sinabi ng opisyal na hindi kukunsintihin ng Department of Transportation (DOTr) ang pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga tauhan nito.

Malinaw ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bilang mga lingkod-bayan, ang mga kawani ng gobyerno “tagapaglingkod ng mamamayan at hindi mga panginoon.”

Inatasan ni Sec. Dizon si Assistant Secretary for Road Transport Jojo Reyes na personal na mag-imbestiga hinggil sa insidente.

“Wala pong magja-justify sa nakita nating harassment na ipinakita ng ating mga law enforcers,” giit ni Sec. Dizon.

Ayon kay Reyes, naospital ang 57-anyos na magsasaka dahil sa insidente.

Inatasan din ni Sec. Dizon ang pagbuo ng isang task force upang magsagawa ng “sweeping review” sa paggamit ng motorsiklo ng mga enforcer ng LTO at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB).

Aniya, posibleng may mga patakaran at regulasyong kasalukuyang ipinatutupad na nagiging sanhi ng pang-aabuso ng ilang enforcer sa paghuli ng mga lumalabag sa batas.

Pangungunahan ni Asec. Reyes ang nasabing task force.