BBM

Second generation COVID-19 vaccine pinag-aaralan ng gobyerno

170 Views

PINAG-AARALAN ng gobyerno ang ginagawang bakuna na epektibo sa Omicron variant ng COVID-19.

Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos itong magpabakuna ng ikalawang booster shot kasama ang kanyang anak na si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos sa isang mall sa Maynila kung saan isinagawa ang PinasLakas vaccination campaign.

Sinabi ni Marcos na kung mapatutunayan ang pagiging epektibo nito ay pipilitin ng gobyerno na makakuha ng suplay nito.

“Now, I was just told by Usec. Vergeire, mukha namang mayroon nang ilalabas na vaccine para ito, para dito sa mga bagong variant ng Omicron. Kaya’t pag-aaralan natin and if it is going to be helpful ay gagawin natin ang lahat para madala rito sa Pilipinas para mabigay natin sa lahat ng kailangan magkaroon ng booster shot,” sabi ni Marcos.

Muling inulit ni Marcos ang kanyang panawagan sa publiko na magpabakuna laban sa COVID-19 at magpa-booster shot na.

Sinabi ni Marcos na ang pagpapabakuna ay makatutulong ng malaki upang maiwasan ang muling pagpapatupad ng lockdown.

“Kaya’t ito ngayon ang kinakampanya namin na sana eh lalong-lalo na na dahan-dahang pabukas ang ekonomiya. Ayaw natin mag-lockdown. Gusto talaga natin matanggal na ‘yung mask na protocol. Lahat ‘yan hindi natin maiaabot ‘yan kung hindi tayo magpa-booster shot ngayon,” sabi pa ng Pangulo.

Kasama ni Marcos na magpa-booster shot si Rep. Marcos na pumasok sa sesyon ng Kamara de Representantes matapos ito.

Si DOH officer-in-charge Ma. Rosario Vergeire ang nagbigay ng second booster sa Pangulo samantalang si Manila Mayor Honey Lacuña-Pangan naman ang nagbakuna kay Rep. Marcos.

Sinususugan ng gobyerno ang kampanya nito sa pagbabakuna bilang bahagi ng paghahanda sa nalalapit na pagbabalik ng face-to-face classes.