Mental Source: Camille Villar FB

Sen. Camille naghain ng mental health bill

272 Views

NAGHAIN si Sen. Camille Villar ng Senate Bill No. 1760 o ang panukalang “Mental Health Officer Act” na naglalayong magtalaga ng isang mental health officer (MHO) sa bawat lungsod at munisipalidad upang tugunan ang mga usaping pangkaisipan ng mga tao.

Layunin ng panukala na tumugon sa lumalawak na hamon sa mental health na nararanasan ng mga Pilipino sa iba’t-ibang edad at sektor.

“Hindi na natin maaaring balewalain ang tahimik na pagdurusa ng milyun-milyong Pilipino. Ang mental health ay isang pangunahing karapatan,” pahayag ni Villar.

Sa ilalim ng panukala, aatasan ang lahat ng local government units na magtalaga ng MHO na mangunguna sa pagtugon sa mga suliraning pangkaisipan sa kanilang nasasakupan.

Makikipag-ugnayan ang mga LGU sa Department of Health para sa recruitment, selection at pagsasanay ng mga itatalagang opisyal.

Ang DOH ang maglalabas ng mga patnubay hinggil sa kwalipikasyon at training modules para sa mga MHO na ilalagay sa mga lungsod at munisipalidad.

Kabilang sa mga tungkulin ng opisyal ang pagsusumite ng taunang ulat tungkol sa kalagayan ng mental health sa kanilang lugar, kasama ang mga rekomendasyon upang mapalakas ang mga programa at interbensyon.

Binanggit sa pahayag ang datos na nagpapakita na tumaas ang bilang ng mga kaso ng mental disorders mula 7 milyon noong 1990 hanggang 12.5 milyon noong 2019.

Kabilang sa mga pinakakaraniwang kondisyon ang anxiety at depresyon, lalo na sa mga kabataang humaharap sa akademiko, pinansyal at panlipunang hamon.

Sinabi ni Villar na ang paglalagay ng mental health professionals sa mga komunidad ay maaaring magbigay-daan sa mas maagang interbensyon, pagbawas ng stigma at pagpapabuti ng access sa serbisyo.

Ayon pa sa senador, bahagi ang panukalang ito ng mas malawak niyang adyenda sa mental health, kabilang ang hiwalay na panukala laban sa bullying at mga kahalintulad na gawain.