Calendar
Adiong: Islam ‘wag idamay sa criminal activities
BINATIKOS ni Lanao del Sur Rep. Ziaur-Rahman “Zia” Alonto Adiong ang FB post journalist na si Ramon Tulfo na umano’y inuugnay ang “criminal activities” ng mga kriminal sa Islam.
Nagbabala si Adiong sa sinumang “kakaladkad” sa Islam sa anumang kriminalidad.
Sinabi ng kongresista na ang kinasasangkutang krimen ng ilang Muslim ay personal at hindi maaaring isisi sa buong pananampalatayang Islam sapagkat kasalanan ng isa ay hindi kasalanan ng lahat.
“Ang krimen ay ginawa ng isang indibidwal. Hindi ito kailanman ginawa ng isang relihiyon,” paliwanag ni Adiong.
Sinabi ni Adiong na ang pagbibigay pansin sa Islam ng isang suspek na wala namang kaugnayan sa ginawa nitong krimen ay mapanganib at mapanghusga sa hanay ng mga Muslim na matagal na umanong tinitiis ng mga Muslim Filipinos.
Pinaalalahanan ni Adiong ang mga kilalang mamamahayag na ang kanilang impluwensiya at mga salita ay maaaring magpa-kalma ng tensyon o magpapalalim ng diskriminasyon laban sa ilang sektor gaya ng mga Muslim.
“Bilang mga lider at personalidad na may impluwensiya dapat tayong magkaroon ng pagtitimpi at pagpapasya. Mahalaga ang mga salita.
Ang mga iresponsableng pagbanggit ay maaaring magliyab ng pagpapadala ng diskriminasyon, maghasik ng pagkakahati-hati at hindi makatwirang magdulot ng hinala sa isang buong komunidad ng relihiyon,” sabi ni Adiong.

