Sen. Erwin Tulfo

Sen. Erwin Tulfo sisilipin sanhi ng matindi, paulit-ulit na baha sa Palawan

164 Views

NANANAWAGAN si Senator Erwin Tulfo ng agarang imbestigasyon sa paulit-ulit at matitinding pagbaha sa Puerto Princesa City, Palawan matapos ang panibagong insidente ng pagbaha nitong nakaraang Biyernes, Hulyo 18.

Halos 100 pamilya ang nireskyu ng Philippine Coast Guard (PCG) sa isang barangay sa lungsod matapos bahain ang kanilang mga kabahayan dulot ng Bagyong Crising.

Ayon sa ulat, higit sa 6,000 pamilya mula sa 31 barangay ang naapektuhan at nawalan ng tirahan.

Matatandaang Pebrero ngayong taon nang mapasailalim sa state of calamity ang lungsod nang malubog ito sa baha dahil lamang sa “shear line” o iyong mabilis na pagbabago ng direksyon ng hangin.

Ito ang nais silipin ni Senador Erwin Tulfo kung bakit tila lagi na lang lubog sa baha ang naturang lugar kapag umuulan doon.

“Halos isandaang pamilya o mahigit 200 na indibidwal ang nareskyu ng Coast Guard sa isang barangay sa Puerto Princesa dahil nalubog na ang mga bahay nila sa tubig baha,” ani Sen. Tulfo.

Dadag pa niya na nitong Pebrero din, bagama’t walang bagyo, lumubog din ang ilang barangay ng lungsod. “Gusto kong malaman at ng mga taga Palawan kung bakit sila binabaha ngayon doon.” anang neophyte senator.

“Wala ba silang maayos na drainage system? Palpak ba ang kanilang urban planning? Kalbo na ba ang kabundukan doon dahil sa illegal logging at mining?,” tanong ni Tulfo.

“Kailangan ng mga residente ng malinaw na paliwanag mula sa Local Government Unit at government agencies kung ano o saan ang problema. Dagdag pa ng Senador na maghahain siya ngayong araw (Lunes) ng Resolusyon para maimbestigahan ang pagbaha sa lalawigan at magawan ng paraan sa lalong madaling panahon,” ayon pa sa mambabatas na lumaki sa Palawan,

“At kung kailangan na may managot dahil sa naging pabaya o nagnakaw – so be it” pahabol pa ni Tulfo.