Brownout

Sen. Gatchalian: Bakit may brownout?

22 Views

NANAWAGAN si Sen. Sherwin Gatchalian sa energy authorities at grid operators na ipaliwanag ang ugat ng nagaganap na mga power interruptions sa ilang bahagi ng bansa.

Ayon sa senador, hindi dapat magpatuloy ang paulit-ulit na outages at mahinang grid management na nakaaapekto sa mga tahanan, paaralan, negosyo at pasyenteng umaasa sa medical equipment na nangangailangan ng kuryente.

“Nagpapatupad na nga ng four-day work week ang maraming sangay ng gobyerno dahil sa tensyon sa Gitnang Silangan, pero nagba-brownout pa rin sa iba’t-ibang panig ng bansa. Hindi ito katanggap-tanggap,” sabi ni Gatchalian.

“If recurring plant outages are driving the problem, generation companies must be made to answer. The ERC should enforce compliance with performance standards and take action against erring plants,” ani Gatchalian.

Muling nanawagan si Gatchalian sa NGCP na pagbutihin ang grid management at tiyaking sapat ang ancillary services sa mga panahon ng mataas na demand sa kuryente.

May direktang epekto sa ordinaryong consumers at ekonomiya ang power interruptions, lalo na kung naaapektuhan ang trabaho, klase, maliliit na negosyo, ospital at mga tahanan.

Ayon kay Gatchalian, karapatan ng publiko na makakuha ng malinaw na paliwanag kung bakit nagpapatuloy ang outages at kung anong mga hakbang ang ginagawa upang hindi na maulit ang problema.

“Hindi pwedeng paulit-ulit na lang ang ganitong sitwasyon. Kailangan ng malinaw na paliwanag, agarang aksyon, at pananagutan mula sa mga awtoridad,” sabi niya.

Kailangang magtulungan ang energy agencies at industry players upang matiyak ang matatag at maaasahang power supply, lalo na sa panahon ng mataas na demand at mas malawak na economic pressure, ayon sa senador.