Pangilinan Sen. Francis “Kiko” Pangilinan

Sen. Pangilinan: Mas malakas na agri extension services dapat mangyari

27 Views

IPINAKIKITA ng mga hinaing ng Benguet farmers sa tumataas na production costs, mahinang distribution channels at limitadong tulong ng gobyerno ang pangangailangang maipasa ang mga panukalang magpapalakas sa agriculture extension services at farmers’ cooperatives, ayon kay Sen. Francis “Kiko” Pangilinan.

Nakipagpulong si Pangilinan sa mga kinatawan ng Benguet farmers’ cooperatives noong Mayo 13 upang pakinggan ang kanilang mga hinaing tungkol sa pabago-bagong farmgate prices, access sa merkado, gastos sa gasolina at kakulangan ng support mechanisms para sa maliliit na magsasaka.

Ipinapakita ng mga problemang inilapit ng mga magsasaka ang pangangailangang ibalik sa pambansang antas ang agriculture extension services at muling itatag ang Bureau of Agriculture Cooperatives and Fisheries sa ilalim ng Department of Agriculture.

“Kaya napakahalaga na maipasa itong renationalization ng ating agriculture extension services at yung reestablishment ng Bureau of Agriculture Cooperatives and Fisheries sa ilalim ng DA,” sabi ni Pangilinan.

Ayon sa mga farmers’ groups, wala namang oversupply ng produkto sa Benguet ngunit patuloy na nahihirapan ang maraming growers dahil sa limitadong distribution channels at kakulangan ng resources para maihatid ang kanilang produkto sa merkado.

Inilahad din nila ang bigat ng gastos sa gasolina, na nakakaapekto sa produksyon, transportasyon at paggalaw ng agricultural products.

Dapat tumulong ang gobyerno upang mas madaling makarating sa merkado ang produkto ng mga magsasaka, mapabuti ang distribution, at mapalakas ang cooperatives upang hindi sila malagay sa alanganin dahil sa mababang farmgate prices at mataas na input costs.

Tiniyak din niya sa mga magsasaka na dadalhin sa national level ang kanilang mga hinaing sa kabila ng patuloy na pag-uusap sa Senado tungkol sa committee chairmanships, kabilang ang agriculture panel.