Hontiveros

Sen. Hontiveros nanawagan ng pananagutan, transparency sa Senate probe ukol sa Drug war ni Duterte

155 Views

NANAWAGAN si Senadora Risa Hontiveros na panagutin si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang papel sa war on drugs na nagresulta sa pagkamatay ng libu-libong Pilipino.

Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Hontiveros na dapat ay humarap si Duterte sa batas, kasabay ng kanyang pagpuna sa mga pahayag ng dating pangulo kung saan ipinagtanggol nito ang mga pagpatay na isinagawa ng pulisya sa ilalim ng kanyang administrasyon at sinabing handa siyang “mapunta sa impyerno” para sa kanyang mga aksyon. “Dapat managot muna si dating Pangulong Duterte sa batas ng tao, bago ang parusa ng impyerno,” ani Hontiveros.

Ipinahayag din ni Hontiveros ang kanyang pag-tutol sa extrajudicial killings.

Tinuligsa rin ni Hontiveros ang paraan ni Duterte sa pagharap sa problema sa droga, lalo na bilang isang dating abogado, at sinabing ang pagpatay, partikular sa mga inosente at walang kalaban-laban, ay hindi solusyon. “Problema ang droga at krimen, pero hindi pagpatay, lalo na ng inosente o walang kalaban-laban, ang solusyon diyan,” ani Hontiveros.

Para kay Hontiveros, ang mga pag-amin ni Duterte ay nangangailangan ng masusing pagsusuri kung saan ay iginiit niya: “No law degree or local position required, kahit ilang beses pang ipagpilitan ni Duterte na para daw yun sa kapakanan ng nakararami.”

Nanawagan ang senadora para sa international na oversight, partikular sa Department of Justice at sa International Criminal Court, upang suriin ang mga pahayag ni Duterte lalot under oath ito nuong nagpahayag sa nasabing hearing.

“I hope the Department of Justice as well as investigators of the International Criminal Court are seriously reviewing the many admissions and confessions made under oath by former President Duterte,” giit niya.

Binanggit ni Hontiveros ang paglikha ni Duterte ng isang death squad sa Davao City, ang kanyang mga pagsusumikap na pilitin ang pulisya na itarget ang ilang indibidwal, at ang kanyang mga utos sa mga opisyal na udyukin ang mga suspek na “lumaban” upang bigyang-katwiran ang summary executions.

Bukod pa rito, nanawagan si Hontiveros sa Malacañang na tiyakin ang transparency sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga rekord ukol sa war on drugs sa publiko at sa Commission on Human Rights (CHR). “Nanawagan rin ako sa Malakanyang na amyendahan ang exclusion list sa Executive Order 2 s. 2016 at buong ibukas sa publiko at sa Commission on Human Rights ang forensic data, police records at iba pang opisyal na dokumento ukol sa War on Drugs victims,” pahayag niya, na binigyang-diin ang pangangailangang alisin ang red tape na nakakasagabal sa paghahanap ng katotohanan. “Upang matigil na ang red tape laban sa paghahanap ng katotohanan,” dagdag pa niya.

Mariin din ang posisyon ni Hontiveros na dapat lamang manindigan sa hustisya at reporma ang sinuman sa gobyerno dahil ito aniya ay ang katungkulan nila sa taumbayan.

“Hustisya at reporma ang hanap natin sa mga hearings, hindi paghihiganti.” Hinikayat niya ang publiko na tandaan na ang Tokhang (isang terminong may kaugnayan sa anti-drug campaign ni Duterte) ay hindi dapat tingnan bilang simbolo ng tapang. “Huwag natin hahayaan na maging marka ng katapangan ang Tokhang,” pagtatapos niya, “kundi isang madilim na paalala ng mga buhay na nawala at ng tawag sa pananagutan.”