Calendar
Sen. Jinggoy naghain ng panukala para mahihirap na magkaroon ng bahay
NAGHAIN ni Sen. Jose “Jinggoy” Ejercito Estrada ng panukalang batas na naglalayong bigyang prayoridad ang mga mahihirap na pamilyang naninirahan sa mga resettlement area sa pagmamay-ari ng lupang pag-aari ng pamahalaan na matagal na nilang tinitirhan.
Sa Senate Bill No. 1002, layunin ni Estrada na palakasin ang karapatan ng mga mahihirap at walang tirahang pamilya na manirahan at magmay-ari ng mga lupang pag-aari ng gobyerno na inilaan para sa socialized housing.
“Layunin ng panukalang ito na itama ang matagal nang sitwasyon kung saan ang mahihirap na pamilya, kahit dekada nang nakatira sa lupa, ay nawawalan ng tahanan dahil ibinebenta ang ari-arian sa ibang mamimili na kayang mag-alok ng mas mataas na presyo sa bidding,” paliwanag ni Estrada.
Tinitiyak ng SB 1002 na ang mga aktuwal na naninirahan sa lupa ang unang bibigyan ng pagkakataong maging may-ari nito.
Sa halip na isailalim agad sa public bidding, maaaring bilhin ng mga pamilyang magpapahayag ng intensiyon ang lupa sa pamamagitan ng negotiated purchase sa abot-kayang halaga.
Magkakaroon lamang ng public bidding kung tatanggi ang mga naninirahan o kung hindi nila kayang bayaran ang itinakdang halaga ng pamahalaan.
Upang maging kwalipikado, kinakailangang ang mga residente ay benepisyaryo sa ilalim ng Urban Development and Housing Act, naninirahan sa lupa nang hindi bababa sa 10 taon at pumayag na sumunod sa umiiral na mga patakaran sa muling pagbebenta o paglilipat ng pagmamay-ari.
Binigyang-diin din niya na tungkulin ng Estado na gawing abot-kamay at abot-kaya ang disenteng pabahay para sa mahihirap at hindi sila dapat mapaalis dahil sa bidding.
“Ang panukalang batas na ito ay naghahanap ng balanse sa pagitan ng transparency sa pamamahagi ng lupang pag-aari ng gobyerno at ng ating responsibilidad na iangat ang mga walang tirahan at mahihirap na pamilya,” ayon kay Estrada.

