Gatchalian

Natl budget ratipikado na ng Senado

160 Views

RATIPIKADO na ang 2026 national budget matapos ang pag-apruba ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance, ang ratipikadong panukala sa badyet ay ipapadala na sa Office of the President para sa pinal na pag-apruba.

Sinabi ng senador na idinisenyo ang panukalang badyet upang tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng bansa habang tinitiyak na may mga pananggalang upang maiwasan ang maling paggamit ng pondo ng bayan.

Nakapaloob sa panukala ang pinakamataas na pamumuhunan sa edukasyon at karagdagang suporta sa sektor ng kalusugan, kabilang ang zero-balance billing program ng gobyerno na pinalakas ng pagbabalik ng pondo sa PhilHealth.

Naglaan din ang panukala ng mas mataas na pondo para sa sektor ng agrikultura bilang bahagi ng mga hakbang upang mapalakas ang seguridad sa pagkain.

“Sa pamamagitan ng pagbibigay-prayoridad sa edukasyon, pagpapalawak ng serbisyong pangkalusugan at pagsuporta sa productivity ng mga sakahan, namumuhunan tayo para sa isang mas inklusibong pag-unlad ng ekonomiya,” dagdag ng senador.