BOC

Sen. Kiko: Laban vs agri smugglers paigtingin

169 Views

NANAWAGAN si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan sa Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) na paigtingin ang kampanya laban sa agricultural smuggling sa gitna ng nalalapit na onion harvest season.

Sinabi ni Pangilinan na ang pagpasok ng smuggled na sibuyas tuwing panahon ng anihan ay nagdudulot ng pagbagsak ng farmgate prices at pagkalugi ng mga magsasakang Pilipino.

“Bilang nalalapit na ang harvest season ng sibuyas, dapat nating tiyakin na protektado ang ating mga magsasaka laban sa hindi patas na kompetisyon sa mga imported at smuggled na sibuyas.

Kasabay rin dito ang posibleng pag-iimbak ng mga sibuyas ng mga onion cartels para patuloy na manipula ang presyo ng sibuyas,” ani Pangilinan.

Binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng mahigpit na pagbabantay sa mga pantalan at mas maigting na koordinasyon ng mga ahensya upang maiwasan ang pagpasok ng mga smuggled na produktong agrikultural sa lokal na pamilihan.

Ang panawagan ay kasabay ng nalalapit na onion harvest season mula Pebrero hanggang Mayo na sinasamantala ng mga smuggler ang pagdami ng suplay upang pabagsakin ang presyo at maapektuhan ang kita ng mga lokal na prodyuser.

Noong Mayo, pinangunahan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang inspeksiyon sa dalawang container van na may tinatayang 34 metriko tonelada ng smuggled na puting sibuyas mula China na nagkakahalaga umano ng P4.1 milyon.

Ayon sa Bureau of Plant Industry Plant Products Safety Services Division at National Plant Quarantine Services Division, nagpositibo sa heavy metals at salmonella ang mga nasabat na produkto.

Hinimok ni Pangilinan ang DA na mahigpit na bantayan ang balanse ng supply at demand at iwasan ang paglalabas ng hindi kinakailangang import permits na tatapat sa panahon ng anihan.

Nanawagan din siya sa BOC na paigtingin ang inspeksiyon at pagpapatupad ng batas laban sa mga sindikatong nagsasamantala sa pana-panahong pangangailangan sa merkado.

“Strengthening border controls and ensuring transparency in importation policies are essential to stabilizing prices for consumers while safeguarding the income of local farmers,” aniya.