Calendar
![Kongreso](https://peoplestaliba.com/wp-content/uploads/2025/02/Kongreso.gif)
Sen. Koko: Special session ng Kongreso makatuwirang hakbang
APRUBADO kay Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang special session ng Kongreso para magsilbi bilang isang impeachment court.
Ayon kay Pimentel, dahil kinakailangan ang isang session para sa transisyong ito, isang makatwirang hakbang ang pagtawag ng special session.
Sinabi rin niya na kung tatawag ng special session si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi ito dapat limitahan sa impeachment proceedings.
Iminungkahi niyang isama rin ang mga legislative matters sa agenda, lalo na ang mga panukalang batas na minadali sa proseso ng lehislasyon.
“Ito’y magbibigay ng pagkakataon sa mga mambabatas na balikan at muling suriin ang ilang panukala na nangangailangan ng masusing pagtalakay,” sabi ng senador.
Dagdag pa niya, kapag naitayo na ang impeachment court, magiging isang hiwalay na institusyon ito na may sariling iskedyul at hindi na saklaw ng regular na gawain ng Senado bilang lehislatibong katawan.
Bilang kasapi ng minority bloc, sinabi ni Pimentel na naipahayag na niya ang kanyang posisyon sa publiko at muling iginiit ang kanyang suporta para sa isang special session.
Kinikilala rin niya ang posisyon ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na dapat munang magtipon ang Senado bilang isang lehislatibong katawan bago pormal na mag-transition bilang isang impeachment court.
Sa gitna ng panawagan ng mga miyembro ng Kamara na pabilisin ang impeachment proceedings, sinabi ni Pimentel na nauunawaan niya ang kanilang papel bilang prosecutors at ang kanilang adversarial stance laban sa inakusahan.
“Expected na natin yan sa House dahil sila ang sa side ng prosecution. Wala akong nakikitang masama kung ganuon ang posisyon nila sa isyung ito,” ani Pimentel.
Gayunman, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagsunod sa wastong proseso upang matiyak na ito ay legal at walang paglabag sa Konstitusyon.
Nagbabala rin siya laban sa labis na pagpuna sa Senado at ipinaalala sa mga miyembro ng Kamara na ang Senado ang may responsibilidad sa pagdedesisyon sa kaso.
Kumpirmado rin ni Pimentel na tanging ang Pangulo lamang ang may kapangyarihang tumawag ng special session, alinsunod sa Konstitusyon.
Hinggil naman sa usapin kung maaaring ipagpatuloy ang impeachment process mula sa ika-19 na Kongreso patungo sa ika-20, iginiit ni Pimentel na posible ito.
Dahil nakatakdang magbalik ang Senado sa Hunyo 2, kinilala niya na magiging limitado ang panahon para sa impeachment trial.
Dahil sa itinakdang proseso, sinabi niyang magiging imposible nang makakita ng buong trial proceedings sa ilalim ng ika-19 na Kongreso, lalo’t kinakailangan pa ng panahon para sa pagsusumite ng mga sagot at iba pang dokumento.
Sa kabila ng mga hamon sa iskedyul, binigyang-diin ni Pimentel na kung tatawag ang Pangulo ng isang special session, magiging tungkulin ng mga senador na dumalo.