Calendar
Sen. Pia nag-sponsor na panukalang batas sa pagbabawas ng excise tax
INISPONSORAN ni Sen. Pia Cayetano noong Lunes ang Senate Bill No. 1982, ang panukalang naglalayong amyendahan ang Section 148 ng National Internal Revenue Code upang payagan ang Pangulo na suspendihin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo.
Sinabi ni Cayetano na humigit-kumulang 98 porsiyento ng suplay ng petrolyo ng Pilipinas ay mula sa West Asia o Middle East kaya madaling tamaan ang ekonomiya ng tensyon sa rehiyon at ng pagsirit ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Binanggit din niya ang tantiya ni Energy Secretary Sharon Garin na maaaring umabot sa P95 hanggang P114 kada litro ang diesel simula sa Marso 17.
Ang mataas na presyo ng langis ay nagtutulak pataas sa pamasahe at presyo ng pagkain, mga bilihin at serbisyo at maaari ring makaapekto sa singil sa kuryente, sabi ng senador.
Binanggit din niya ang mga simulation na tinukoy ng Energy Regulatory Commission na nagpapakitang maaaring tumaas ng hanggang P2 hanggang P4 kada kilowatt-hour ang singil sa kuryente kung magpapatuloy ang kasalukuyang galaw ng presyo ng langis.
“When inflation sets in, the poorest households suffer the most,” sari ni Cayetano.
Sa ilalim ng panukala, maaaring pansamantalang suspendihin o bawasan ng Pangulo ang excise tax sa mga produktong petrolyo kapag inirekomenda ito ng Development Budget Coordination Committee, kasabay ng koordinasyon sa Kalihim ng Enerhiya.
Babalik ang excise tax sa mga rate na nakasaad sa tax code isang linggo matapos bumaba sa ilalim ng $80 ang average na presyo ng Dubai crude sa loob ng isang buwan, batay sa sertipikasyon ng Department of Energy, o pagkalipas ng tatlong buwan, alinman ang mauna.
Hindi maaaring ipatupad ito nang lampas sa isang taon at hanggang Disyembre 31, 2028 lamang ito maaaring pairalin.
Sinabi ni Cayetano na layunin ng panukala na bigyan ang gobyerno ng mas mabilis na paraan upang makatugon sa pabagu-bagong presyo ng langis, habang binabalanse ang agarang ginhawa para sa mga konsyumer at ang katatagan ng pananalapi ng bansa.

