Sen. Pia: Pagsuspinde sa oil excise tax ‘mabigat na balancing act’

134 Views

TINAWAG ni Sen. Pia Cayetano na “mabigat na pagbalanse sa pagitan ng proteksyon sa consumer, pananagutang piskal at seguridad sa enerhiya” ang panukalang pagsususpinde ng excise tax sa langis.

Sinabi ni Cayetano na nakapagsagawa na ng pagdinig ang Senado ngunit hindi pa nito maaaring i-sponsor ang panukala hangga’t hindi naipapasa ng Kamara sa ikatlong pagbasa ang sarili nitong bersyon at naipapadala ito sa Senado.

Ayon sa senadora, kung mas mahaba ang averaging period ng presyo ng langis, maaaring hindi na maging napapanahon ang tugon dahil posibleng malaki na ang ipinagbago ng presyo bago pa ito umiral.

Idinagdag pa niya na nais ng executive branch ang mas flexible na approach upang maaaring gamitin, ihinto at muling buhayin ang kapangyarihan kung may panibagong pagyanig sa merkado.

Sinabi ni Cayetano na pinag-aaralan din ng mga mambabatas ang mga safeguard, kabilang ang posibilidad na bigyan ng mas malakas na kapangyarihan ang Department of Energy upang maka responde sa mga pang-aabuso sa merkado.

Nagpahayag siya ng pangamba sa mga ulat na may ilang gasolinahan na nagsasara o nagsasabing wala nang stock kahit hindi pa naman lubos na nauubos ang suplay.

“So we’re reviewing now if kailangan natin bigyan ng powers ang DOE to react pagka merong nag-aabuso,” sabi ni Cayetano.

Kaugnay ng mga panukalang unahin muna ang diesel, sinabi ni Cayetano na maaari itong pag-aralan, ngunit iginiit niyang apektado rin ang mga gumagamit ng gasolina dahil ang pagtaas ng presyo ng fuel ay direktang tumatama sa pang-araw-araw na kabuhayan sa iba’t ibang sektor.

Mas komplikado ang pagtanggal ng value-added tax sa fuel kaysa excise tax relief dahil sa epekto nito sa input at output tax kaya dapat itong busisiin ng husto.

Ayon sa mga ulat, maaaring umabot sa P130 bilyon mula Mayo hanggang Disyembre ang mawawalang kita ng gobyerno kung babawasan o isususpinde ang excise tax sa langis.

Sinabi rin niya na ang anumang panukalang magsuspinde o magbawas ng fuel taxes ay kailangang buuin nang maingat dahil may epekto ito sa pondo ng pamahalaan.