Vishing Source: File PNP photo

Sen. Poe: Nakakabahala pagtaas ng ‘vishing’ cases

14 Views

NAGBABALA si Sen. Grace Poe hinggil sa pagtaas ng voice phishing o “vishing” scams sa 2025 sa kabila ng pagpapatupad ng SIM Registration Act at ng pagbabawal sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

“The dramatic increase in scam calls in the first quarter of the year is disturbing given the SIM Registration law and the ban on POGOs,” pahayag ni Poe.

Ipinunto ng senadora na ang mga scammer kumikilos “at a massive scale and with high precision,” at kinukuha ang mga personal at pinansyal na impormasyon ng mga tao sa pamamagitan ng mapanlinlang na mga tawag.

“Voice phishing or vishing attacks prey on our unsuspecting kababayans that result in identity theft and financial losses,” dagdag pa niya.

Layunin ng SIM Registration Act na pigilan ang mga krimeng gamit ang mobile devices sa pamamagitan ng pagrerehistro ng SIM cards gamit ang wastong pagkakakilanlan.

Aminado si Poe na hindi solusyon ang batas pero nagbibigay ito ng matibay na batayan para parusahan ang maling paggamit ng SIM cards.

Binigyang-diin niya na dapat mas ramdam na ng mga lumalabag ang bigat ng batas. “By this time, we hope wrongdoers are already feeling the mettle of the law and unsettling those hatching vile scamming plans.”

Napag-alaman din na may mga SIM card na nakarehistro gamit ang pekeng ID o galing sa ibang bansa upang makaiwas sa mga lokal na regulasyon.

Hinimok niya ang pagtutulungan ng mga ahensya at mga telco.

Bilang tugon, naglunsad ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng mga kampanya ukol sa digital safety habang nagsimula nang gumamit ang mga pangunahing telco ng machine learning tools para tukuyin at hadlangan ang kahina-hinalang mga numero.

Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pagtaas ng mga reklamo kaugnay ng panlilinlang.

Patuloy ang imbestigasyon kung konektado ang mga dating POGO network sa kasalukuyang pagdami ng scam calls.

Nakikipag-ugnayan na rin ang mga ahensya ng gobyerno sa mga telco upang palakasin ang mga sistema laban sa panloloko at mapabilis ang pag-uulat.

Binigyang-diin ni Poe ang pangangailangang maging alerto at maagap.

“Eliminating scams or at least paring them down to a minimum will require being smarter than the scammer,” aniya.