Sen. Risa

Sen. Risa itinanggi paratang ng dating saksi sa Senado

18 Views

MARIING itinanggi ni Senadora Risa Hontiveros ang mga paratang ng isang lalaking nagpakilalang dating saksi sa Senado, na umano’y nagsinungaling siya sa utos ng senadora sa imbestigasyon laban kay Pastor Apollo Quiboloy.

Ayon sa senador, ito ay “malicious lies” at bahagi ng sistematikong pagtatangka upang pahinain ang katarungan.

Ang lalaki, na nagpakilala bilang si Michael Maurilio, alyas “Rene,” ay lumabas sa isang video online kung saan inangkin niyang tumanggap siya ng P1 milyon upang magbigay ng maling salaysay laban kina Quiboloy, dating Pangulong Rodrigo Duterte, at Pangalawang Pangulo Sara Duterte.

Sa kanyang pahayag sa midya noong Hunyo 25, mariing pinabulaanan ni Hontiveros ang mga paratang.

Tinawag niya itong “kasinungalingan” at iginiit na boluntaryo at lehitimo ang naunang salaysay ni Maurilio. “Sangkaterba ang ebidensiya ng aking opisina na magpapatunay na gawa-gawa lang ang pahayag ngayon ng taong iyan,” aniya.

Dagdag ni Hontiveros, may hawak siyang mga dokumento, ulat mula sa mga kaugnay na ahensya, at mga ulat sa midya na nagpapatibay sa pagiging totoo ng orihinal na testimonya.

Pinalakas pa ang video ni Maurilio matapos itong ibahagi ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa kanyang Facebook page. Dahil dito, lumawak ang diskusyon online,

Bilang tugon, nagbabala si Hontiveros na ang ganitong klaseng pampublikong pag-endorso sa mga hindi pa nabeberipikang pahayag ay nagsisilbing paraan upang takutin ang mga saksi at ang kanyang opisina.

“We have reason to believe that this individual has been coerced or paid off. Ganyan sila kadesperado,” aniya.

Kumpirmado ring naghahanda na ang legal team ng senadora ng pormal na tugon sa isyu, at maaaring maglabas pa ng mga karagdagang ebidensiya sa mga darating na araw. “Hindi namin palalampasin ang mga nasa likod ng pananakot na ito,” dagdag ni Hontiveros.

Matatandaang si Hontiveros ang nanguna sa imbestigasyon ng Senado kaugnay ng mga alegasyon ng pang-aabuso at human trafficking na inuugnay kay Quiboloy at sa Kingdom of Jesus Christ ministry.

Giit ng kanyang kampo, ang mga testimonya ay masusing na-beripika at hindi bunga ng pamimilit o panlilinlang na taliwas sa sinabi ng nasabing saksi.