Calendar

Sen. Risa: Kung di matuloy impeach trial, di tayo patatawaring ng kasaysayan
HINIMOK ni Deputy Minority Leader Senador Risa Hontiveros ang Senado na tuparin ang itinatadhana ng Saligang Batas sa pamamagitan ng pagsisimula ng impeachment trial laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte bago tuluyang matapos ang sesyon ng ika-19 na Kongreso.
Sa isang press conference ngayong Hunyo 9, inilahad ni Hontiveros na siya at si Senate Minority Leader Koko Pimentel ay magsusulong ng hakbang upang pormal na buksan ang paglilitis.
Kabilang sa unang hakbang ang panunumpa ni Senate President Francis Escudero bilang presiding officer ng impeachment court, gayundin ang panunumpa ng lahat ng senador bilang mga hukom.
“Hindi tayo papayag na ang Senado pa ang susuway sa saligang batas,” ani Hontiveros. “We in the Senate Minority will formally move to commence the opening rights in the impeachment trial of Vice President Sara Duterte.”
Binigyang-diin niyang ang naturang hakbang ay pawang mga pormal na panimula pa lamang at hindi pa ang aktwal na paglilitis—isang proseso na tatagal lamang ng wala pang isang oras.
“Let’s not pretend that one hour is too much to ask,” dagdag pa ng senadora, habang tinukoy ang mga sesyon ng Senado na inaabot ng hatinggabi para sa ibang mga panukalang batas.
Ipinabatid din ni Hontiveros na hindi kinakailangan ng boto ng mayorya upang simulan ang proseso, sapagkat malinaw sa Konstitusyon ang tungkulin ng Senado na tumanggap at aksyunan ang articles of impeachment na ipinasa ng Mababang Kapulungan noong Pebrero.
“Sa non-legislative function ng impeachment trial, wala nang ibang kailangan magsalita kundi ang konstitusyon,” iginiit niya.
Tinukoy rin ng senadora ang lumalawak na suporta mula sa iba’t ibang sektor—kabilang ang mga grupong relihiyoso, mga paaralang pang-abogasya, at mga eksperto sa Konstitusyon gaya nina dating Mahistrado Adolf Azcuna, at mga batikang abogado na sina Rene Sarmiento at Christian Monsod.
“Kung hindi ito matuloy, hindi tayo patatawarin ng kasaysayan,” babala ni Hontiveros.
Bagama’t limitado na ang natitirang oras ng sesyon, tiniyak niyang nakahanda ang minorya na maghain ng isang espesyal na mosyon upang maisulong ang mga kinakailangang hakbang sa natitirang tatlong araw ng sesyon.
“We just want to get over this first hurdle,” ani Hontiveros, at iminungkahing maaaring ipagpatuloy ang mga susunod na bahagi ng paglilitis sa susunod na Kongreso kung kinakailangan.
Bilang pagtatapos, mariing idiniin ng senadora: “Above the Senate, above the House, even above the President—most powerful is the Constitution. At dapat lamang namin tupdin ang isinasaad nito sapagkat ito ay aming tungkulin.”