Quiboloy

Sen. Risa pinuri korte sa pagbokya sa ‘house arrest’ para kay Quiboloy

71 Views

PINURI ni Senador Risa Hontiveros ang hudikatura sa pagtanggi sa kahilingan ni Pastor Apollo Quiboloy para sa house o hospital arrest.

Ang kingdom of Jesus Christ lider, na nahaharap sa mga kaso ng human trafficking, rape, at child abuse, ay humiling ng espesyal na pribilehiyo habang siya ay nasa kustodiya.

“Pinapakita lang ng ating mga korte na walang special treatment pagdating sa kaso ni Quiboloy,” ayon kay Hontiveros, na binigyang-diin ang kahalagahan ng pantay-pantay na pagtrato sa lahat sa harap ng batas. Iginiit niya na ang mga seryosong akusasyon na isinampa laban kay Quiboloy ay hindi dapat bigyan ng anumang pagluluwag.

Si Quiboloy, ang tagapagtatag ng KOJC ay nasa sentro ng iba’t ibang ligal at kriminalidad na kaso , sa loob at labas ng bansa, na may kinalaman sa mga alegasyon ng sekswal na eksploytasyon at pang-aabuso.

Ang U.S. Department of Justice ay may kasalukuyang kaso rin laban sa kanya dahil sa sex trafficking.

Ipinahayag ni Hontiveros ang kanyang pag-asang hindi rin papayagan ng korte na iwasan ni Quiboloy ang pagdalo sa nalalapit na pagdinig ng Senado.

“Inaasahan ko na hindi rin papayagan ng korte ang hiling nilang huwag dumalo sa Senate hearing next week,” dagdag pa niya, na binanggit na si Quiboloy ay matagal nang nasa ilalim ng imbestigasyon ng Senado.

Ipinaalala rin ng senador sa publiko na ang Senado ang unang naglabas ng arrest order para kay Quiboloy, na binibigyang-diin ang kahalagahan ng kanyang pagdalo sa imbestigasyon ng lehislatura. “Ngayon at nasa kamay na siya ng awtoridad, walang rason na hindi siya sumipot,” kanyang binigyang-diin.

Ang pagdinig ng Senado, na nakatakdang ganapin sa susunod na linggo, ay inaasahang sasaliksik pa ng mas malalim sa mga alegasyon laban kay Quiboloy at ang lawak ng kanyang operasyon, sa loob at labas ng bansa.