Sen Risa

Sen. Risa tutol itigil impeachment trial

34 Views

TUNGKULIN nating ituloy ito.”

Mariing tinutulan ni Senadora Risa Hontiveros ang panawagan ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na itigil na ang impeachment trial laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte. Iginiit niyang malinaw ang utos ng Saligang Batas—na tungkulin ng Senado na ituloy ang paglilitis.

Sa kaniyang pahayag sa plenaryo ng Senado, sinabi ni Tolentino na hindi na dapat umusad ang kaso dahil lumipas na ang 117 araw mula nang matanggap ng Senado ang Articles of Impeachment. Batay sa Article XI, Section 3(6) ng 1987 Constitution, binanggit niya na “the Senate shall forthwith proceed to hear the case.”

Ipinunto ni Tolentino na nilalabag ng pagkaantala ang kahulugan ng salitang “forthwith,” lalo na ngayong malapit na ang pagtatapos ng Ika-19 na Kongreso.

Dagdag pa niya, hindi maaaring dalhin ang impeachment trial sa susunod na Kongreso, dahil sa mga desisyong tulad ng Neri v. Senate at Balag v. Senate na, ayon sa kaniyang interpretasyon, nagpapakitang ang Senado ay hindi isang “continuing body” sa ilalim ng Saligang Batas.

Ngunit sa kanyang pagtutol, binigyang-linaw ni Hontiveros na ang impeachment ay hindi karaniwang gawaing lehislatibo, kaya’t hindi ito dapat matigil kahit matapos ang termino ng kasalukuyang Kongreso.

“Mr. President, the 1987 Constitution demands that the Senate continue with the impeachment proceedings already initiated without further delay,” aniya.

Aminado si Hontiveros na hindi na maipagpapatuloy sa bagong Kongreso ang mga hindi natapos na legislative work ng kasalukuyan. Gayunman, iginiit niyang hindi saklaw nito ang impeachment:

“It is true that the 19th Congress cannot bind the 20th Congress—and all unfinished business will be terminated. But this is only true for any work done by us in the exercise of our legislative functions.”

Bilang patunay, binanggit niya ang mga desisyong Chavez v. Judicial and Bar Council at Pimentel, Jr. v. Joint Committee of Congress, kung saan kinilala ng Korte Suprema na ang mga tungkuling hindi lehislatibo—tulad ng impeachment—ay hindi napuputol sa pagtatapos ng isang Kongreso.

Binigyang-diin ni Hontiveros ang tiyak na wika ng Konstitusyon na hindi nag-iiwan ng puwang para sa pagkaantala:

“Napakahalagang mandato po ng Saligang Batas ito — klaro at walang kalabuan — once we receive the Articles of Impeachment, ‘trial by the Senate shall forthwith proceed.’”

Sa pagtatapos, nagbabala siya tungkol sa posibleng epekto ng hindi pagtupad sa tungkulin:

“Hahatulan tayo ng sambayanan kung hindi natin ginampanan ang tungkulin na ito sa sambayanan.”

Sa kabuuan, isiniwalat ng palitang ito ang pangunahing banggaan ng pananaw kung dapat bang ipagpatuloy o ihinto ang impeachment proceedings kapag papalitan na ang kasalukuyang Kongreso.