Sen Hontiveros

Sen. Risa umaasahang ICC haharapin ni DU30

28 Views

INAASAHAN ni Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros na tutuparin at patutunayan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kanyang binitawan salita at pangako na haharapin niya ang anumang pag-aresto at imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kanyang kampanya kontra droga, gaya ng kanyang naunang pahayag.

Ayon kay Hontiveros, inaasahan niya na bilang abogado at lalaki ay paninindigan ni Duterte ang kanyang mga sinambit na handa siyang harapin ang anumang pag aresto ng ICC upang sagutin ang mga akusasyon sa kanyang EJK.

“Mismong ang dating Pangulo ang nagpahayag ng kahandaan na harapin anumang oras ang ICC at ngayon nga ay inaasahan natin na gagawin ito upang sagutin ang maraming katanungan na sumisigaw ng hustisya sa panig ng mga naulila sa ilalim nang isinagawa EJK. Simula pa lamang po ito,” ani Hontiveros.

Muling nanawagan si Hontiveros kay Duterte na harapin ang imbestigasyon ng ICC, kasabay ng panawagan sa pamahalaan ng Pilipinas na tuparin ang mga obligasyon nito sa pandaigdigang batas.

“Dumating na ang araw na hinihintay ng mga pamilya ng libo-libong Pilipino na nawala sa madugong ‘tokhang’ ni dating Pangulong Rodrigo Duterte,” aniya.

Binigyang-diin niya na mismong si Duterte ay nagsabing handa siyang humarap sa imbestigasyon ng ICC sa ilalim ng panunumpa nito sa ibat ibang pagdinig na ginawa sa Mababa at Mataas na Kapulungan.

“Pinanghahawakan ko ang mga sinabi ni dating Pangulong Duterte, under oath, na haharapin niya ang kaso sa International Criminal Court. Sana, bilang abugado, siya ay sumunod sa mga proseso nito,” dagdag niya.

Nanawagan rin si Hontiveros sa Malacañang na makipagtulungan sa ICC at Interpol upang matiyak na maipatutupad nang buo ang proseso ng hustisya.

“I also hope that Malacañang will honor its word and accede to all requests of the ICC, through the Interpol, and ensure that justice will run its full course,” aniya.

Binigyang-diin niya na hindi lamang si Duterte ang may pananagutan sa libo-libong kaso ng extrajudicial killings na naganap sa ilalim ng kampanya kontra droga.

“The thousands of Filipinos killed during tokhang were not murdered by one man alone. Sana ay simula pa lang ito ng paghahabol ng hustisya sa lahat ng mga opisyal at kawani ng gobyerno na responsable sa pagpatay sa inosente o walang kalaban-laban,” sabi ni Hontiveros.

Samantala, nanawagan si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada sa publiko na manatiling kalmado at umiwas sa anumang kilos na maaaring lalong magdulot ng pagkakawatak-watak sa bansa kasunod ng posibleng pag-aresto kay Duterte.

Dapt lamang aniyang maging mahinahon at kalma lamang ang mga Pilipino at hayaan umikot ang tamang hustisya sa puntong ito.

Ayon kay Estrada, kailangang panatilihin ng mga Pilipino ang pagiging mahinahon dahil matibay at gumagana ang sistema ng hustisya sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

“In this time of heightened emotions and division, I call on the Filipino people to remain calm and exercise sobriety as the legal proceedings unfold. We must refrain from engaging in any form of violence, spreading misinformation, or taking actions that may only further polarize our country,” aniya sa isang pahayag.

Tiniyak ni Estrada na may karapatan si Duterte sa due process at mga legal na hakbang.

“Like any Filipino citizen, former Pres. Duterte is entitled to legal recourse, and as a lawyer, he knows the proper steps to take. I trust that his rights will be respected and protected,” aniya.

Ipinahayag din niya ang kanyang tiwala sa sistema ng hustisya sa bansa, at binigyang-diin na susunod ang mga legal na proseso sa tamang alituntunin.

“Matibay at gumagana ang ating justice system kaya’t naniniwala ako na matitiyak na dadaan sa tamang proseso ang lahat at alinsunod ito sa mga umiiral na batas,” dagdag ni Estrada.