Robin

Sen. Robin: Leadership stability, democratic continuity dapat balanse

171 Views

Pagbago sa constitutional terms ng halal na opisyal isinusulong ng senador

KAILANGANG ibalanse ang “leadership stability” at “democratic continuity.”

Ito ang dahilan ng resolusyon na ihinain ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla na nagmumungkahi ng pagbabago sa constitutional terms ng halal na opisyal kasama ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, at mambabatas.

Sa Resolution of Both Houses of Congress No. 5, isinulong ni Padilla ang pag-amyenda sa Sec. 4 at 7 ng Art. VI (Legislative Department); Sec. 4 ng Art. VII (Executive Department); at Sec. 8 ng Art. X (Local Government).

“It is imperative to strike a balance between the need for policy continuity, which requires adequate time for lawmakers to fulfill their legislative agenda, and the need to prevent the accumulation of power, which may lead to political entrenchment,” aniya.

Dagdag niya, mahalaga ang “allowable extension of service” para mabigyan ng pagkakataon ang mga halal na opisyal na magpatupad ng “long-term, meaningful changes in their respective offices.”

Ipinunto rin niya na kailangang i-synchronize ang electoral cycles ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan para mapabuti ang administrative efficiency, at “coordinated implementation of government policies.”

Ani Padilla, noong 2022, ika-52 ang Pilipinas sa 167 bansa sa Democracy Index ng Economist Intelligence Unit. Kultura ng pulitika, ang pag-function ng pamahalaan, at political participation ang pinakamahalagang isyu.

Naglabas din siya ng datos mula sa Asian Development Bank na nitong nakaraang dekada, political instability at “frequent turnover of elected officials” ang sumasagabal sa “long-term planning and policy continuity.”

Sa RBH 5, iminungkahi ni Padilla ang sumusunod na pag-amyenda:

* Sec. 2, Art. VI: Ang Senado ay magkakaroon ng 54 miyembro – 24 na elected at large at 30 na halal ng qualified voters mula sa kada legislative region.

* Sec. 4, Art. VI: Ang 24 senador na elected at large ay may termino na walong taon, pero hindi pwedeng magkaroon ng higit dalawang sunod na termino; ang 30 senador na elected by region ay may termino na apat na taon, pero hindi pwedeng magkaroon ng higit tatlong sunod na termino.

* Sec. 7, Art VI: Ang myembro ng Kamara ay magkakaroon ng apat na taong termino, at hindi pwedeng magkaroon ng tatlong sunod na termino.

* Sec. 4, Art. VII: Ang Pangulo at Pangalawang Pangulo ay ihahalal bilang joint candidates at magkakaroon ng apat na taong termino. Hindi sila pwedeng magkaroon ng higit dalawang termino.

Ang Pangulo na nagkaroon ng dalawang termino ay hindi maaaring tumakbo pa sa anumang elective position. Ang sumunod sa Pangulo o Pangalawang Pangulo ay qualified sa isang eleksyon sa parehong tanggapan.

* Sec. 8, Art. X: Ang termino ng mga halal na lokal na opisyal maliban sa opisyal ng barangay ay apat na taon. Hindi sila maaaring magkaroon ng higit na tatlong sunod na termino.

“The change in the term of office of the President and Vice President will ensure a balance between leadership stability and democratic continuity… A joint candidacy for the President and Vice President provides for an electoral landscape that will shift its emphasis from individual personalities to the unified policy agenda and will foster a more strategic and effective governance,” ani Padilla.

Dagdag niya, titiyakin ng pagpalit sa termino ng Pangulo at Pangalawang Pangulo ang pagbalanse sa leadership stability at democratic continuity.

May transitory provisions din ang RBH 5, kasama ang:

* Ang kasalukuyan at dating Pangulo ay hindi na pwedeng tumakbo bilang Pangulo.

* Ang kasalukuyang senador na nasa huling termino ay hindi maaaring magpahalal sa susunod na halalan; ang kasalukuyang myembro ng Kamara na nasa ikatlong sunod na termino bago i-ratify ang RBH 5 ay hindi maaaring tumakbo sa susunod na halalan.

* Ang mga halal na opisyal maliban sa barangay elective officials sa ikatlong termino ay hindi maaaring ihalal sa kanilang pwesto sa susunod na halalan.

* Ang unang eleksyon ng lahat na opisyal na sakop ng RBH 5 ay “synchronized” simula ikalawang Lunes ng Mayo 2028.