Calendar
Sen. Win isinusulong reporma sa edukasyon ng mga guro
ISINUSULONG ni Sen. Sherwin Gatchalian ang reporma sa teacher education at licensure matapos ituro ang mga puwang sa kalidad ng pagsasanay, performance sa board exam at subject specialization ng mga guro.
Sa pulong kasama si Dr. Penny Bishop, dean ng Boston University Wheelock College of Education and Human Development, sinabi ni Gatchalian na kailangang mas maayos na maitugma ang teacher education curriculum, pagsasanay at licensure examinations.
Ayon sa datos ng Teacher Education Council, 35 lang sa 1,500 teacher education institutions ang kinikilalang Centers of Excellence.
Idinagdag niya na mula 2021 hanggang 2025, nasa 50 porsyento ang average passing rate ng mga kumuha ng Board Licensure Exam for Professional Teachers sa Elementary Education at 57 porsyento sa secondary education.
Binanggit din ni Gatchalian ang ulat ng Second Congressional Commission on Education na nagsasabing 62 porsyento ng mga guro sa high school ang nagtuturo ng mga asignaturang hindi nila major noong kolehiyo, isang sitwasyong na nagpapakita ng hindi pagtutugma ng paghahanda sa mga guro at ng pangangailangan sa silid-aralan.
Itinuro ni Gatchalian ang Senate Bill No. 52 na naglalayong amyendahan ang Philippine Teachers Professionalization Act of 1994 o Republic Act No. 7836.
“If we get teacher preparation right, we do not just improve our schools, we also uplift the future of every learner that passes through them,” ani Gatchalian.

