Ridon

Haharapin ni VP Sara ang impeachment, mga reklamo, at disallowance ng COA — Chair Ridon

43 Views

ANG mga proseso ng impeachment laban kay Bise Presidente Sara Z. Duterte ay magpapatuloy kasabay ng mga nakabinbing kasong kriminal at administratibo sa Office of the Ombudsman, gayundin ang obligasyong isauli ang ₱73 milyon na confidential funds matapos ang pinal na desisyon ng Commission on Audit (COA) sa notice of disallowance.

Ayon kay House Committee on Public Accounts Chairperson Terry L. Ridon ng Bicol Saro Party-list, at kasapi rin ng House Committee on Justice, hindi maaaring piliin ng Bise Presidente kung aling mga proseso sa iba’t ibang sangay na konstitusyonal ang kanyang pakikilahukan.

Bagama’t maaaring nagmula sa iisang hanay ng mga katotohanan at ebidensya ang mga prosesong ito, sinabi ni Ridon na bawat isa ay may magkakaibang legal na kahihinatnan.

“Hindi natin puwedeng pagbanggain ang proceedings sa Commission on Audit, Office of the Ombudsman, at House of Representatives dahil magkaiba ang consequences ng bawat isa, kahit pare-pareho ang facts at defenses na pinagbabatayan nila,” ani Ridon sa isang pahayag.

“Malinaw na tutuloy ang mga ito nang magkakahiwalay at pagpapasyahan din nang magkakahiwalay.”

Ipinaliwanag ni Ridon na sa panig ng COA, ang magiging bunga ay ang pagbabalik ng ₱73 milyon na disallowed funds sa pamahalaan, na maaaring magbukas ng mga civil na hakbang tulad ng forfeiture o recovery proceedings laban sa mga ari-arian ng Bise Presidente at iba pang may pananagutan, kapag naging pinal at ipinatutupad na ang desisyon.

“Sa pagkakaintindi ko, maaaring habulin ang ₱73 milyon sa pamamagitan ng mga legal na remedyo gaya ng garnishment ng bank accounts at iba pang ari-arian,” dagdag niya.

Tungkol naman sa kasong malversation sa Ombudsman, sinabi ni Ridon na maaaring humarap ang Bise Presidente sa mabibigat na kasong kriminal na maaaring umabot sa Sandiganbayan, kung saan ang hatol ay maaaring magresulta sa pagkakakulong at forfeiture ng mga ari-arian.

Samantala, ang impeachment proceedings ay may kaakibat na parusang konstitusyonal na pagtanggal sa puwesto at diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang pampublikong posisyon.

Binigyang-diin ni Ridon na ang pagsasauli ng ₱73 milyon ay hindi magpapawalang-sala sa iba pang mga kaso.

“Kahit maibalik pa ang ₱73 milyon sa kaban ng bayan, hindi nito pinapawalang-bisa ang Ombudsman proceedings at hindi rin nito naaapektuhan ang impeachment proceedings,” aniya.

“Ang usapin ng maling paggamit ng confidential funds ay maaaring magbigay-daan sa finding ng betrayal of public trust, na isang impeachable offense.”

“Magpapatuloy ang impeachment proceedings laban sa Pangalawang Pangulo, anuman ang mangyari sa usapin ng restitution,” dagdag niya.

Ayon pa kay Ridon, ang maaaring legal na hakbang ni Duterte matapos pagtibayin ng COA ang notice of disallowance ay ang pag-akyat ng usapin sa Korte Suprema para sa pagsusuri.

Gayunpaman, binigyang-diin niya na natukoy na ng COA Commission Proper na nabigo ang Office of the Vice President na mapatunayan ang ₱73 milyong ginastos sa confidential funds, dahil sa kakulangan ng sapat na dokumentaryong ebidensya upang patunayan ang kalikasan at tagumpay ng mga sinasabing intelligence activities, gayundin ang pangangailangan ng naturang paggasta.