Gatchalian Source: PNA file photo

Sen. Win: Mga LGUs dapat tumulong sa laban sa illiteracy

12 Views

ISINUSULONG ni Sen. Sherwin Gatchalian ang pakikilahok ng mga local government units (LGUs) sa laban para masugpo ang illiteracy sa bansa.

Kasunod ito ng paglabas ng 2024 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS) kung saan lumalabas na pito sa 10 Pilipinong edad 10 hanggang 64 ang maituturing na functionally literate.

Ang functional literacy ang kakayahang bumasa, magsulat, mag-compute at umunawa.

Para sa mga Pilipinong may edad lima hanggang 18, 69.2% ang naitalang functional literacy rate. Para kay Gatchalian, mahalagang matiyak na nakakamit ng mga mag-aaral ang literacy at numeracy pagdating ng Grade 3.

“Ang kakayahang magbasa at magbilang ay mga pundasyong kinakailangan ng ating mga mag-aaral at mahalaga ang pakikilahok ng mga komunidad at lokal na pamahalaan para matugunan ito,” ayon sa senador.

Sa inihaing National Literacy Council Act (Senate Bill No.473), isinusulong ni Gatchalian ang pakikilahok ng mga LGUs sa pagsugpo ng illiteracy.

Sa ilalim ng naturang panukalang batas, ang mga local school boards ang magsisilbing de facto local literacy council sa mga probinsya, siyudad, at munisipalidad.