Impeachment

Senado di mamadaliin impeachment trial para due process di makompromiso

15 Views

MULING iginiit ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na susunod ang Senado sa tamang legal na proseso sa impeachment trial at hindi papayag sa pagmamadali ng proseso na maaaring makompromiso ang due process.

Binigyang-diin ni Escudero na anumang hakbang na may kinalaman sa impeachment trial ay kailangang nakaayon sa batas at hindi dahil sa pampulitikang presyon.

“Ang siyang mananaig at hindi ang gusto ng mas nakararami lamang bagaman ito labag sa batas. Hindi naman porket mas maingay, mas mag-ingay kahit lalabagin natin ang batas.”

Tinanggihan din niya ang mungkahing magsimula na ang Senado bilang impeachment court bago ang Hunyo 2, na binigyang-diin ang mga kinakailangang hakbang ayon sa proseso.

“Hindi pa nare-refer officially sa plenaryo ang impeachment complaint. Tinanggap pa lang yan ng Secretary General ng Senado.” Ipinaliwanag niya na batay sa praktis ng U.S. Senate, ang House prosecutors—at hindi ang Senate Majority Leader—ang dapat magbasa ng reklamo sa plenaryo.

Tungkol naman sa pangambang ang pagkaantala ng proseso ay maaaring magdulot ng mas maraming hamon sa legalidad, sinabi ni Escudero, “Kapag may misstep o mali kami diyan, may dagdag rason na naman na idemanda ang Senado. Hindi ako takot sa demanda pero may dagdag rason na naman idemanda, umakyat, questionin, baka imbis na mapabilis ng mga gusto mapabilis, mas lalo pang tumagal ito.”

Binalaan niya na ang pagmamadali nang walang matibay na legal na batayan ay maaaring lalo pang magpabagal sa halip na pabilisin ang paglilitis.

Pinuna rin ni Escudero ang panawagan para sa agarang pagsisimula ng impeachment trial, iginiit na dapat manaig ang patas at makatarungang proseso kaysa sa panlabas na presyur.

Binalaan niya ang paggawa ng mga desisyon batay sa sigaw ng publiko, “Hindi kayang baguhin ng ingay mula sa anumang sektor o grupo yung nakasulat sa batas. Hindi namin babaguhin yan depende sa palakasan ng sigaw.”

Nang tanungin kung susunod ang Senado sakaling utusan ito ng Korte Suprema na agad nang simulan ang paglilitis, nagpahayag ng pagdududa si Escudero kung paano ito ipatutupad. “Trial shall forthwith proceed. Trial is the reception of evidence, admission of evidence by the impeachment court. Bukas hindi namin kayang gawin yan dahil wala pang sagot ang nasasakdal, wala pang reply ang prosecution, wala pang preliminary conference.”

Pinuna rin niya ang ilang taga-usig na nagpapahayag ng kagustuhang simulan agad ang paglilitis nang hindi nauunawaan ang mga alituntunin.

Sa kabila ng lumalakas na panlabas na presyur, muling iginiit ni Escudero na kikilos ang Senado batay lamang sa legalidad at hindi sa pampulitikang impluwensiya.

Tiniyak din niya na ang iskedyul at mga patakaran ng impeachment trial ay pagtitibayin kapag nagbalik ang sesyon ng Kongreso sa Hunyo 2, na muling binibigyang-diin ang pangako ng Senado sa isang maayos at makatarungang proseso.