Calendar

Senado inaprubahan libeng serbisyong libing para sa mga mahihirap
INAPRUBAHAN ng Senado ang Senate Bill No. 2965 o Free Funeral Services Act na naglalayong magbigay ng libreng serbisyong libing sa mahihirap at mga pamilyang nasa krisis.
Inisponsoran ni Senator Imee R. Marcos, layon ng batas na tiyakin na ang bawat mamamayan ay may marangal na libing anuman ang kalagayang pinansyal.
Saklaw ng panukala ang mga pamilyang ang kita ay mas mababa sa poverty threshold ng National Economic and Development Authority (NEDA), gayundin ang mga naapektuhan ng kalamidad o iba pang krisis, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang mga kwalipikadong pamilya ay makatatanggap ng Indigent Funeral Package na maaaring maglaman ng embalming, cremation o burial, inurnment, transportasyon ng labi, at paghahanda ng dokumento.
Ipapatupad ito sa tulong ng mga DSWD-accredited funeral homes na obligado ring sundin ang isang pamantayang serbisyo anuman ang lokasyon o laki ng kanilang operasyon.
Upang magamit ang benepisyo, kinakailangang magpakita ng valid ID, death certificate, funeral contract, at social case study mula sa isang lisensyadong social worker. Itinuturing ito ng Senado bilang hakbang patungo sa pantay na karapatan sa dignidad ng bawat Pilipino, buhay man o pumanaw.