Calendar
Senado inilatag report sa flood control investigation
SINABI ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na inilatag ng nakabinbing partial report ng Senate Blue Ribbon Committee sa flood control inquiry ang umano’y corruption system at mga panukalang reporma upang hindi na ito maulit kahit kulang pa ang lagda para pormal itong maihain.
Sinabi ni Lacson na ipinadala sa mga miyembro ng komite ang partial committee report noong February 11, 2026, ngunit hindi pa ito naihahain sa Bills and Index Division dahil kailangan muna itong lagdaan ng mayorya ng committee members.
Nilinaw niya na ang ulat ay hindi hatol o conviction, kundi gabay para sa mga awtoridad na susuri nang hiwalay sa ebidensya, magpapasya kung may probable cause, at tutukoy kung anong mga kaso ang maaaring isampa.
Ayon kay Lacson, layunin ng inquiry na sagutin ang tatlong tanong para sa taxpayers: saan napunta ang pera, paano naisagawa ang umano’y katiwalian, at paano aayusin ang sistema upang hindi ito maulit.
Ayon kay Lacson, ipinakita ng committee findings ang umano’y sistematiko at magkakaugnay na proseso na kinabibilangan ng proponents, bagmen o intermediaries, Department of Public Works and Highways facilitators and coordinators, contractor groups, at iba pang actors mula sa executive branch, banking sector at oversight institutions.
Binanggit ni Lacson ang testimony tungkol sa umano’y pag-withdraw ng P457 million cash mula sa isang LandBank branch sa Bulacan noong March at April 2025, na umano’y ibinigay sa mga indibidwal na konektado sa Bulacan 1st District Engineering Office.
Sinabi rin ng senador na may kasamang panukalang reporma ang partial report, kabilang ang pag-alis ng discretionary “allocables” at “leadership funds,” mas mahigpit na kontrol sa unprogrammed appropriations, mas malinaw na infrastructure planning, at mas malawak na partisipasyon ng publiko sa pagbabantay sa mga proyekto.
Iminungkahi rin niya ang amendments sa Ombudsman Act, mas malakas na whistleblower protection, fiscal autonomy para sa Office of the Ombudsman at Commission on Audit, batas para tukuyin ang beneficial ownership at conflict of interest, at parusa laban sa infrastructure fraud at bid rigging.
“These legislative reforms seek to dismantle the very anatomy of the flood control scam,” ani Lacson.
Ayon sa senador, may mga hakbang na rin sa labas ng Senado na tumutugma sa direksyon ng report, kabilang ang mga kasong inihain ng Office of the Ombudsman, special panels ng Department of Justice, fact-finding ng National Bureau of Investigation, at financial investigations ng Anti-Money Laundering Council.
Sinabi ni Lacson na kailangan pa ng karagdagang lagda bago maihain ang partial committee report.
Kinuwestiyon ni Sen. Rodante Marcoleta ang pagtanggi ni Lacson na magpa-interpellate bago pormal na maihain ang report at tinawag itong hindi karaniwan.
Sinabi naman ni Senate President Vicente C. Sotto III na prerogative ni Lacson kung tatanggap siya o tatanggi sa interpellation, batay sa nakasanayang practice sa Senado.
Sinabi ni Lacson na sasagutin niya ang mga tanong matapos maihain at ma-sponsor ang partial committee report.
“Mr. President, the road to full accountability is long, but we must start to agree somewhere,” sabi ni Lacson.

