Rasul Dating Sen. Santanina Rasul Source: Senate of the Philippines

Senado nagluksa sa pagpanaw ni ex-Senadora Santanina Rasul

34 Views

NAGLUKSA ang mga senador sa pagpanaw ni dating Sen. Santanina Tillah Rasul noong Nobyembre 28 sa edad na 94.

Si Rasul ang kauna-unahang babaeng Muslim na naglingkod sa Senado ng Pilipinas at kinilala bilang isang tagapagpauna, tagapagtaguyod ng karapatan ng kababaihan at tagapagsulong ng kapayapaan.

Pinarangalan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang mga naiambag ni Rasul sa bansa, binibigyang-diin ang kanyang mahalagang papel sa pagbuwag ng mga balakid para sa kababaihan.

“She shattered the glass ceiling for others, ensuring that the paths she tread would remain open for future generations of Filipino women,” ani Escudero.

Ibinida rin niya ang mga nagawa ni Rasul sa lehislatura, kabilang ang Republic Act (RA) 6949 na nagdedeklara ng Marso 8 bilang National Women’s Day at ang RA 7192, o ang Women in Development and Nation-Building Act, na nagbigay-daan para sa pagpasok ng kababaihan sa Philippine Military Academy (PMA).

Si Rasul, na nagsilbi sa Senado mula 1987 hanggang 1995, ay naging miyembro rin ng peace panel ng pamahalaan na nakipag-usap sa Moro National Liberation Front sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.

Patuloy niyang pinalawak ang kanyang adbokasiya sa pamamagitan ng Magbassa Kita Foundation Inc., na nagsusulong ng literacy at kaunlaran sa bansa.

Nagbigay-pugay din si Senador Robinhood “Robin” Padilla, tagapangulo ng Senate committee on cultural communities and Muslim affairs, kay Rasul.

Aniya, si Rasul ay isang “trailblazer, educator, and dedicated public servant.” Binigyang-diin niya ang papel ni Rasul sa pagtataguyod ng karapatan ng kababaihan, mga reporma sa edukasyon at mga inisyatibo para sa kapayapaan.

Pinuri rin ni Senador Nancy Binay ang pagiging tagapagpauna ni Rasul sa pamahalaan at sinabing, “She was among the vanguard of women in government who worked hard so that other women could participate more actively in nation-building.”

Ayon kay Binay, pinatunayan ni Rasul na kayang magtagumpay ng mga kababaihan sa mga larangang tradisyunal na iniuugnay lamang sa mga kalalakihan at binuksan ang pinto tungo sa lipunang mas bukas ang isip.

Bilang miyembro ng post-EDSA Senate, ginampanan ni Rasul ang mahalagang papel sa muling pagtatayo ng mga demokratikong institusyon at pagsusulong ng pagkakapantay-pantay ng kasarian.

Ayon sa kanyang mga kasamahan, ang kanyang pamana ay patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa mga susunod na henerasyon ng mga lider at tagapagtaguyod.

Nagpaabot ng lubos na pakikiramay ang Senado sa pamilya ni Rasul at sa mga komunidad na kanyang buong pusong pinagsilbihan sa panahon ng kanyang pagseserbisyo sa Mataas na Kapulungan.