Senado

Senado nahaharap sa natatanging hamon sa impeachment trial

24 Views

IPINAHAYAG ni Senador Joel Villanueva na isang pambihirang pagsubok ang kinakaharap ng Senado habang ito’y naghahanda na gumanap bilang isang impeachment court, kasabay ng paglalarawan sa proseso bilang “sui generis” o isang uri ng korte na “may sariling buhay.”

Sa isang panayam, ibinahagi ni Villanueva ang kanyang aktibong partisipasyon sa mga paghahanda bago ang paglilitis, kabilang ang pakikipagpulong sa mga eksperto sa batas tulad ni retired Justice Efren dela Cruz.

“We have tried to anticipate all scenarios, possible arguments from different camps, including processes,” ani Villanueva, na tumutukoy sa mga isyung may kinalaman sa transisyon ng Kongreso at pagpili ng mga patakaran ng paglilitis.

Isa sa mga pangunahing tanong: maaari bang ipagpatuloy ang impeachment proceedings na sinimulan sa ika-19 na Kongreso papunta sa ika-20?

“Merong mga arguments… most likely Supreme Court must also be sought after doon sa mga ilang [issues],” aniya, at iginiit na maaaring kailanganin ng tulong ng Korte Suprema sa pagpapaliwanag sa ilang legal na isyu.

Ayon kay Villanueva, nakatakdang ilathala sa Hunyo 2 ang panuntunan ng Senado kaugnay ng impeachment trial.

“Yung rules of the Senate, sariling rules namin ng impeachment… Yun talagang dapat mathresh out na doon,” paliwanag niya.

Kung walang maipapalabas na bagong panuntunan, ang mga probisyon ng Konstitusyon ang siyang magiging batayan.

“Pagbabatayan meaning kung wala kaming ipromulgate na rules namin, yun na talaga yun,” dagdag pa niya.

Bukod sa procedural na usapin, binigyang-linaw rin ni Villanueva ang ilang teknikal na problema sa reklamo. May pitong kaso raw na isinampa, ngunit ang mahahalagang dokumento ay naipasa nang huli.

“One week after, nagbigay sila ng 400 pages na additional annexes,” aniya.

Dagdag dito, dalawa sa mga itinalagang tagausig ay hindi na manunungkulan sa parehong posisyon pagkatapos ng halalan, dahilan upang magkaroon ng kalituhan sa bubuo sa prosekusyon kapag nagsimula na ang paglilitis.

Ibinahagi rin ni Villanueva ang kanyang personal na saloobin tungkol sa papel na gagampanan bilang impeachment judge.

“Great, great responsibility,” aniya, matapos siyang sukatin para sa opisyal na balabal ng paglilitis—isang simbolo ng bigat ng kanyang tungkulin.

Sa pagbubukas ng sesyon ng Senado sa Hunyo 2, inaasahang magkakaroon ng caucus bago ang pormal na sesyon upang repasuhin ang mga alituntunin at posibleng amyendahan ang mga ito.

Kabilang sa kanyang mungkahi: payagan ang paggamit ng judicial affidavits sa pre-trial at linawin ang usapin ng quorum.

“Gusto kong malaman ano rin ang sentiments ng aking colleagues tungkol doon,” aniya.

Binigyang-diin ni Villanueva na hindi tulad ng ordinaryong hukuman ang impeachment court.

“It’s a unique court, sui generis, has a life of its own,” saad niya, at ipinaliwanag na kailangang ang bawat senador-hukom ay gumamit ng sariling pamantayan sa pagtimbang ng ebidensya.

Habang nalalapit ang pagsisimula ng paglilitis sa Hunyo 3, iginiit ni Villanueva ang kahalagahan ng malinaw at pagkakaisang proseso.

“At the end of the day, it’s really the rules of the Senate,” pagtatapos niya.