Calendar
Senado nailagay sa int’l news sa maling dahilan
SINABI ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na kailangang gawin ng mga senador ang tama upang maibalik ang dignidad ng Senado matapos ang May 13 shooting incident na naglagay sa kapulungan sa international news sa hindi magandang dahilan.
Matapos lumitaw na ang Senado mismo ang pinakamalaking casualty ng insidente, sinabi ni Lacson na kailangang mag-self-reflect ang mga senador, indibidwal man o bilang institusyon, kung paano sila uusad mula sa kontrobersiya.
“Nasa international news tayo for the wrong reasons. Napakapangit ng nangyayari. Noon pa lang breaking news sa CNN, ‘shooting in the Philippine Senate.’ Negative na kaagad. So ang sinasabi ko mag-recover, from hereon siguro, senatus, ang word na pinanggalingan ng Senate, wise mature men. So dapat moving forward gawin namin lahat na tama. Huwag kaming magpakita ng parang immaturity para further guluhin ang situation,” ani Lacson sa panayam sa True FM.
“Henceforth mag-self-reflect kami individually and collectively para henceforth maging guideline sa pag-perform ng aming duty,” dagdag niya. “Moving forward, bilang senador, ang focus siguro namin ngayon, ma-redeem ang Senado sa kinalalagyan namin ngayon.”
Sinabi ni Lacson na isang magandang unang hakbang ang pahayag ni Senate President Alan Peter Cayetano na magko-convene ang Senado bilang impeachment court sa darating na Lunes kaugnay ng kaso ni Vice President Sara Duterte.
Ayon sa kanya, malinaw sa Konstitusyon na tungkulin ng Senado na mag-convene bilang impeachment court forthwith matapos matanggap ang Articles of Impeachment mula sa House of Representatives, bagama’t maaaring idaos ang trial matapos ang mga paunang proseso.
“That’s one good first step na tama ang aming gagawin kasi maliwanag sa Constitution,” ani Lacson.
Tinuligsa rin ni Lacson ang tinawag niyang hindi makatarungan at malisyosong paratang mula sa ilang senador ng majority bloc na umalis umano nang maaga ang mga kasapi ng minority bloc dahil alam nilang may mangyayari noong gabing iyon.
“Sa amin napaka unfair ang insinuation na ginawa kaagad ng aming kasamahan namin sa majority na alam naming may mangyayari. Nilahat nga kami. Kaya kami umuwi ng maaga sila naiwan doon, parang iniwanan namin sila sa ere. Malayong malayo sa katotohanan ang pahayag na yan at napaka-unfair at masyado siyang malisyoso. Wala silang basehan para sabihing umalis kami ng sadya para iligtas ang sarili namin at sila iwanan sa Senado. Walang nakakaalam na magkakaroon ng gulo,” aniya.
Nang tanungin kung sino ang gumawa ng naturang paratang, sinabi ni Lacson na kabilang dito sina Cayetano at Senator Maria Imelda Josefa Remedios “Imee” Marcos.
Binatikos din ni Lacson ang pahayag na inutusan umano ni President Ferdinand Marcos Jr. na iparesto si Senator Ronald “Bato” dela Rosa “at all cost,” at sinabing imposibleng mangyari iyon.
“Categorically, no. Imposibleng mangyari yan kasi kung ganun ang instruction di ganun ang nangyari, talagang nilusob ang buong Senado at masaktan ang sinong masaktan. Kaya napakalayo sa katotohanan at napakairesponsable ang pahayag ni Sen. Marcos,” ani Lacson.
Kinuwestiyon din ni Lacson ang pahayag na “under attack” ang Senado, matapos niyang sabihing inamin ni Office of the Senate Sergeant-at-Arms head Mao Aplasca na siya ang unang nagpaputok ng warning shot.
“Pag under attack ikaw ang pinaputukan at gumanti ka ng putok, so yun lang magpapatotoo na hindi under attack ang Senado,” aniya.
Nanawagan si Lacson na hintayin ang resulta ng imbestigasyon at tiyaking nakabatay lamang sa ebidensiya ang magiging konklusyon, kabilang ang CCTV footage at testimonya ng mga saksi.
“Ang sa akin lang hintayin natin ang ginagawang investigation, based sa facts, CCTV, merong testimony na makukuha sa eyewitnesses accounts. Doon na lang tayo manalig at abangan natin ang lalabas sa investigation,” dagdag niya.

