Calendar
Senado obligadong pasagutin si VP Duterte sa Articles of Impeachment – House prosecutor
DAPAT umanong maglabas ng writ of summons ang Senado upang obligahin ang na-impeach na si Vice President Sara Duterte na sagutin ang Articles of Impeachment na isinampa laban sa kanya ng Kamara de Representantes noong Pebrero 5, ayon kay House Minority Leader Marcelino Libanan.
Sa isang press conference, sinabi ni Libanan na nakasaad ito sa rules ng Senado kaugnay ng impeachment trial.
Ayon sa naturang alituntunin, sinabi ni Libanan na dapat utusan ng Senado ang respondent na magsumite ng sagot sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap nito ng kopya ng reklamong impeachment.
Batay sa impeachment timeline na inilabas ni Senate President Francis Escudero, obligado si VP Duterte na sagutin ang reklamo sa Hunyo 4.
Magsisimula ang paglilitis sa Hulyo 30, dalawang araw matapos ang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang pagsisimula ng ika-20 Kongreso.
Ayon kay Libanan, wala sa mga alituntunin ng Senado sa impeachment ang planong pag-obliga sa Bise Presidente na sagutin ang petisyong impeachment sa Hunyo 4.
“Ang nakikita ko po sa June 4, pag doon sila nagsimula ay wala po sa kanilang rules of procedure. Dahil pag nai-file kaagad, sa kanilang impeachment rules ay mag-iisyu sila ng summons to the one who is being sought to be impeached in a period of 10 days from receipt of the Articles of Impeachment,” aniya.
“So June 4 is not 10 days, napakalayo po niyan. So with this motion, hopefully ay magagawa nila, mapapa-answer nila ang ating Vice President in a period of 10 days. Otherwise, they have to amend their rules on impeachment procedure…i-amend nila sa Senado ‘yung kanilang impeachment proceedings rules,” ayon pa sa pahayag ni Libanan.
Bukod sa pagsunod sa sarili nitong mga alituntunin sa impeachment, sinabi ni Libanan na maaaring umaksyon ang Senado sa mosyon ng prosekusyon ng Kamara dahil nagtatrabaho pa rin ang Senado kahit nasa recess ang Kongreso.
Binanggit pa ng kongresista na nilagdaan ng mga miyembro ng House prosecution team ang kanilang mosyon para sa entry of appearance at mosyon na mag-isyu ng summons kay VP Duterte noong Marso 14.
“Pero hindi namin kaagad ifinile dahil ang tingin po namin ay break nila. Sinasabi nila baka hindi sila makapagtrabaho dahil break na ‘yung Senado. Pero apparently, nagkaroon po sila ng hearing last Thursday, ‘yung committee ni Senadora Imee (Marcos),” aniya.
Ang tinutukoy niya ay ang imbestigasyon sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo R. Duterte noong Marso 11.
“Ibig sabihin, nagtatrabaho pa rin po ang Senado. Kaya ngayong araw ay ifinile po natin itong entry with motion to issue summons. Anong ibig po sabihin nito? Una ay pinahahayag po namin na handa, nakanda po ang House. Kahit po ngayon ay panahon din ng kampanya po namin…dahil inatasan po kami na maglitis, maging prosecutors, ay gagawin po namin ang aming tungkulin,” aniya.
“At ayon po sa rules of impeachment ng Senado, pag mayroong nai-file sa Senado na impeachment complaint, the Senate shall start the proceedings forthwith, simulan kaagad. Anong ibig sabihin ng forthwith? Without delay, right away, without delay. ‘Yun po ang ibig sabihin ng forthwith,” dagdag niya.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng agarang pagsisimula ng paglilitis.
“Una, napakahalaga nito dahil, the first reason is to prevent more harm, further harm. Kung may ginagawa ang isang opisyal na nakakasama sa ating bayan…ay kailangan ma-prevent ‘yung harm na kanyang ginagawa,” aniya.
“Second is to uphold the rule of law. May Konstitusyon tayo. At ito po ay nasa loob ng ating Constitution, pino-provide po ito na pag sinabi ng Congressmen na one-third of all the members ay didiretso na sa Senado. One-third of all the members didiresto na sa Senado, why? Kasi representative ng taong-bayan ‘yung mga representatives sa Kongreso. Pag sinabing 215 na members of Congress, that is two-thirds of all the members of the House. So malaking obligasyon po ‘yan. Kailangan nananaig sa atin ang rule of law, ang ating Constitution, ang pinakamataas na batas sa atin,” aniya.
Ikatlo, aniya ay upang mapanatili ang tiwala ng publiko.
“Para palaging nagtitiwala ang taong-bayan sa mga nanunungkulan. Dahil pag na-erode ang public trust walang gobyernong makakatayo. Ang pang-apat is to preserve institutional integrity. Kaya pag ganitong mga proseso, hindi po pwede na may delay, mga delaying tactics,” giit nito.
“Ang panglima is to set a precedent to deter future misconduct of high public officials. Para kung may hindi tamang ginagawa ay sana hindi na mangyari. Kaya napaka-importante po ang prosesong ito at dahil sa entry with motion to issue summons ay pasasagutin na ang ating Vice President in a period of 10 days from receipt in accordance with the impeachment rules of the Senate na hindi naman nila binabago hanggang ngayon,” dagdag pa niya.