Senator Sherwin Gatchalian

Senador nanawagan ng mas malalim na imbestigasyon sa troll farm na suportado ng China

16 Views

SA gitna ng mga ulat tungkol sa umano’y pakikialam ng China sa pamamagitan ng isang troll farm sa Pilipinas, nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian ng masusing imbestigasyon at posibleng pagsasampa ng kaso laban sa ginagawang katrayduran sa bayan laban sa mga sangkot dito.

Ayon kay Gatchalian, dapat magsagawa ng malawakang imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI), Department of Justice (DOJ), at National Security Council (NSC) sa isyung kinasasangkutan ng isang PR firm na nakabase sa Makati na umano’y konektado sa isang troll operation na pinopondohan ng China.

“I urge the National Bureau of Investigation, the Department of Justice, and the National Security Council to pursue a full-scale investigation into the reported involvement of a Makati-based PR firm in operating a China-backed troll farm,” aniya.

Sa kabilang banda, binigyang-diin din ni Gatchalian na kung mapatunayang totoo ang mga paratang, nararapat lamang na papanagutin ang mga responsable sa ilalim ng buong bigat ng batas.

“If proven true, those involved should be prosecuted to the fullest extent of the law, including charges of treason and other serious criminal offenses, for betraying the country,” dagdag pa niya.

Higit pa rito, mariin niyang kinondena ang pagpapakalat ng maling impormasyon para sa pansariling interes. “Panagutin at kasuhan ang mga nagpapakalat ng kasinungalingan at kabaluktutan para sa pansariling interes at layuning sirain ang bansa,” giit niya.

Samantala, sa nakaraang imbestigasyon ng Senado sa InfinitUs Marketing Solutions Inc., ang kompanyang inaakusahang sangkot sa operasyon na ipinresenta ni Senador Francis Tolentino, tagapangulo ng Senate Special Committee on Philippine Maritime Admiralty Zones, ang mga dokumentong nagpapakitang may bayad na ₱930,000 umano mula sa Embahada ng China patungong InfinitUs ay ibinulgar at inalisan din maskara ang mga nasa likod nito.

Batay sa ulat, kasalukuyang nire-review ng National Security Council ang nasabing kaso bilang bahagi ng mas malawak nitong pagsusuri sa potensyal na pakikialam ng banyagang bansa sa pambansang usapin.

Sa panig naman ng kompanya, mariing itinanggi ng CEO ng Makati-based firm ang mga paratang: “We are not trolls – we are professionals. Our firm does not, and will never, engage in trolling, online harassment or deception.”

Sa ngayon, wala pang pormal na kasong isinasampa habang patuloy ang pangangalap ng ebidensya ng mga kaukulang ahensya.

Bilang pagtatapos, parehong iginiit nina Gatchalian at Tolentino ang pangangailangang magpatibay ng mga batas laban sa pag e espiya at katrayduran sa bayan upang mas mapangalagaan ang seguridad ng bansa at kapakanan ng mga mamamayang Pilipino.