Survey

Senior Citizens Party-List nasa ikatlong pwesto ng Dec. survey ng SWS

16 Views

PASOK sa ikatlong pwesto ang Senior Citizen party-list sa huling survey ng Social Weather Station (SWS) noong nakaraang buwan.

Sa nasabing survey na ginawa noong December 12 hanggang 18, 2024 ay umabot sa 4.62% ang nakuhang voter preference ng Senior Citizen party-list kaya naman nakuha nito ang ikatlong pwesto.

Una ang 4Ps Party-list na nakakuha ng 13.51% at sumunod ang ACT-CIS na may 5.63%.

Mauupo ang tatlong nominado ng 4Ps at dalawa naman sa mga nominado ng ACT-CIS at Senior Citizens kung isasagawa ang halalan ngayon.

Ang lima pang party-list groups na nakakuha ng higit dalawang porsiyento ay ang Duterte Youth, Ako Bicol, Tingog, TGP at Uswag Ilonggo.

Base sa batas na gumagabay sa party-list groups, ang makakakuha ng dalawang porsyento sa kabuuang bilang ng boto ay garantisadong uupo ang kanilang unang nominado bilang miyembro ng Kamara.

Ayon kay Senior Citizens Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes , nagpapakita ito na maraming botante ngayon ang pinipili ang party-list groups na na isinusulong ang kapakanan ng mga mahihirap, senior citizen at walang trabaho.

“Nais ng ating mga kababayan na magkaroon ng tunay na boses sa Kongreso ang sektor ng lipunan na hindi masyadong nabibigyan ng pansin,” dagdag pa ng mambabatas.

Ngayon taon, ibibigay na ang P10,000 cash gift sa mga edad 80, 85, 90 at 95 na kabilang sa mga isinulong na panukalang batas ni Ordanes noong nakaraang taon.