Edd Reyes

Seniors sa Navotas unang nabiyayaan sa R.A. 11982

Edd Reyes Mar 26, 2025
38 Views

MAINIT na talaga ang pulitika sa Paranaque City dahil nito lang nakalipas na Marso 15, isang political officer ng kandidato sa lungsod ang nagpa-blotter sa pulisya upang ilahad ang karanasan sa kamay umano ng hindi niya kilalang kalalakihan.

Sabi ng political officer na itinago sa alyas “Paul” puwersahan daw siyang hinatak palabas ng hindi niya kilalang mga kalalakihan habang nasa loob ng isang coffee shop, kasama ang kanyang mga kaibigan, kabilang ang isang abogado.

Pero nabigo raw ang mga lalaki na makaladkad siya palabas dahil pinalagan niya ang mga ito at dahil nakatawag na ng pansin ang kaguluhan, emeskapo na raw ang mga suspek.

Wala raw siyang alam na kaaway o kagalit man lang kaya naniniwala siyang motibong pulitikal ang tangka umanong pagdukot sa kanya dahil sa lantaran niyang pagsuporta sa isang kandidato kaya hiniling niya sa kapulisan na suriin ang CCTV sa naturang coffee shop baka sakaling makilala ang mga kalalakihan.

Wala pang inilalabas na ulat ang pulisya sa kinahinatnan ng kanilang pag-iimbestiga, pati na rin sa gagawin nilang pagsusuri sa kuha ng CCTV sa lugar.

Navotas City, posibleng mag-host na ng laro ng PBA

POSIBLENG mag-host na rin ang Navotas City ng liga ng Philippine Basketball Association (PBA) dahil sa bagong tayong apat na palapag na Convention Center na pinasinayahan nito lang Lunes ng hapon nina Mayor John Rey Tiangco at Rep. Toby Tiangco.

Nasimulan ng magkapatid ang proyekto noong nasa Kongreso pa si Mayor John Rey Tiangco na itinuloy naman ni Rep. Toby Tiangco na layuning makapaghatid ng maraming oportunidad sa mga Navoteño tulad ng paglikha ng trabaho at paglakas na rin ng lokal na ekonomiya.

Ayon sa alkalde, bukod sa dito na idaraos ang mga convetions at seminars, isusulong din nila na mag-host ng laro ng PBA na tiyak aniyang magbibigay kasiyahan sa kanilang kababayan at magdadala ng mas maraming bisita sa kanilang lungsod.

Sa araw ng pagpapasinaya, dumalo sina Paul Lee at Mark Barroca ng Magnolia Chicken Hotshots, Marcio Lassiter at Chris Ross ng San Miguel Beermen, Edgar Charcos, Jake Pascual, at Asi Taulava ng NLEX Road Warriors na nagpakita ng kanilang three point shots.

Lolo’t lola sa Navotas, unang nakinabang sa R.A. 11982

ANG Navotas City pala ang kauna-unahang lokal na pamahalaan sa Kamaynilaan na namahagi ng P10,000 na insentibo sa mga senior citizen sa ilalim ng ipinasang R.A. 11982 o Expanded Centenarian Act.

Bukod sa insentibo, pinagkalooban din nina Congressman Toby Tiangco at Mayor John Rey Tiangco ng libreng medical chcck-up, gamot, at laboratory tests ang unang 53 senior citizens na tumanggap ng salapi.

Sabi ni Rep. Tiangco na co-author ng batas, dapat lang kilalanin at suportahan ang mga senior citizen habang sila ay nabubuhay dahil maraming taon ang inialay nila sa kanilang pamilya at komunidad. Humahanap pa raw sila ni Mayor John Rey ng mga paraan upang mapabuti ang nalalabi pang buhay sa mundo ng mga lolo at lola sa kanilang lungsod.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].