Tulfo

Sens. JV, Raffy: Dapat palitan Chinese ambassador to PH

105 Views

GUSTO nina Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito at Raffy Tulfo na i-recall ang Chinese Ambassador to the Philippines na si Jing Quan dahil hindi nakakatulong sa pagluwag ng tensyon ang mga pahayag ng envoy habang nagpapatuloy ang alitan sa West Philippine Sea (WPS).

Sinabi ni Ejercito na ang mga diplomat ay dapat nakatuon sa pagpapabuti ng relasyon sa host country at binanggit na may mahabang ugnayan ang Pilipinas at China sa kalakalan, kultura at ekonomiya.

“They’ve been very hostile against the people of our government. Sa aking pagkakaalam, dapat they are improving, trying to improve the relationship,” sabi ni Ejercito.

Aniya, wala pang dalawang buwan sa Pilipinas ang envoy ngunit agad nang nagdulot ng matitinding reaksiyon.

Binigyang-diin ni Ejercito na dapat maubos ang diplomatic options at hindi naghahangad ng digmaan ang Pilipinas. “We exhaust all diplomatic means. ’Yun naman tayo. We do not want war,” aniya.

Tinanggihan naman ni Sen. Tulfo ang paratang sa pahayag ng Chinese Embassy na may ilang senador na nagbabanta o nang-iintimidate sa mga dayuhang embahada.

Nang tanungin kung banta ba ang Senate resolution laban sa Chinese Embassy, sinabi ni Tulfo na: “No it’s not. The resolution is in no way a threat to any members of the Chinese embassy.”

Sinabi ni Tulfo na dapat dumaan sa pag-uusap ang pagde-de-escalate ng tensyon, kabilang ang pagpupulong ng mga ambassador ng dalawang bansa, na may paglahok ng Department of Foreign Affairs, at pagtalakay sa mga protocol na dapat sundin ng magkabilang panig.

“I think the ambassador of the Philippines to China and the Chinese ambassador to the Philippines should sit down, involved siguro natin ang DFA, para pag-usapan kung ano ba talaga ang dapat gawin para ma-ease yung tension,” sabi ni Tulfo.

“And yung mga senador naman para sa akin including myself, we’re just expressing the voice, the sentiments of the fisher folks na matagal na nahaharas, nababantaan, naaabuso, nabubuli,” dagdag pa niya.